ISUSULONG ng isang ranking lady House official na sa Filipinas itayo ang pasilidad para sa paggawa ng Gam-COVID-Vac o ang Sputnik V kapag ganap nang napatunayan na epektibo ang Russian-developed vaccine na ito laban sa COVID-19.
Sa pagdinig ng House Committee on People’s Participation na pinamumunuan ni San Jose Del Monte City Rep. Rida Robes, tinalakay ang pinakahuling development sa isinasagawang clinical study sa bansa ng naturang bakuna.
Ayon kay Vladisav Mongush, commercial advisor ng Russian Embassy, mayroon nang patunay na ligtas at epektibo ang Sputnik kung saan simula nitong nakaraang buwan ng Setyembre ay ibinibigay na ito sa kanilang mga mamamayan at naipadala na rin nila ito sa bansang Venezuela.
Dito naman sa Filipinas, ang Department of Health (DOH), Department of Science and Technology (DOST) at ang Russian Direct Investment Fund, na tanging Russian state-owned institution na responsable sa production at distribution ng Sputnik V, ay patuloy na isinasagawa ang Phase 1 at Phase 2 ng clinical trials para sa huli.
Dagdag ni Mongush, kapag nakakuha ng positibong resulta ang DOH at DOST sa nasabing tests and evaluation ay agad na gagawin ang Phase 3, na siyang final stage o ang human trial para sa Sputnik V, na maaaring abutin ng tatlong buwan kung kaya tinatayang sa unang bahagi ng 2021 ay magagamit na ang bakunang ito ng sambayanang Filipino.
Bilang tugon, nagpasalamat si Robes sa pagsisikap at kahandaan ng Russian government na sa lalong madaling panahon ay magkaroon ang Filipinas ng bakunang panlaban sa kinatatakutang COVID-19 virus.
“What the Russian government is offering to us will make the COVID-19 vaccines more affordable to all Filipinos and will enhance the knowledge and expertise of our scientists in vaccine production which they can use in the development of vaccines of other diseases,” sabi pa ng House panel chairperson.
Pinuri rin ni Robes ang naging pahayag ni Russian Ambassador to the Philippines Igor Khovaev na ang Russia ang tanging bansa na nag-aalok ng joint partnership sa Filipinas para sa produksiyon ng bakuna kung kaya nais ng lady solon na personal na tumulong sa hakbangin na dito sa bansa ilagay ang production hub ng Sputnik V. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.