PH GROWTH FORECAST ITINAAS NG ADB

TINATAYANG mananatiling matatag ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas sa 2021 at 2022, sa likod ng pinaigting na COVID-19 vaccination program at malaking pagbaba sa COVID-19 cases, ayon sa report na inilabas nitong Martes ng Asian Development Bank (ADB).

Nakasaad sa supplement sa Asian Development Outlook (ADO) 2021 na lalago ang ekonomiya ng Pilipinas ng 5.1 percent sa 2021 at 6.0 percent sa 2022, mas mataas sa September forecast ng bangko na 4.5 percent sa 2021 at 5.5 percent sa 2022.

“The Philippine economy has shown impressive resilience,” pahayag ni ADB Philippines Country Director Kelly Bird. “Growth momentum has clearly picked up on the back of the government’s vigorous drive to vaccinate Filipinos against the Covid-19 virus. Public spending on infrastructure and continued vaccination of the population will help the country further accelerate its recovery in 2022.”

Ang inflation outlook para sa 2021 at 2022 ay 4.4 percent at 3.7 percent, ayon sa pagkakasunod, sa likod ng tumataas na presyo ng krudo. Mas mataas ito sa September forecast ng ADB na 4.1 percent sa 2021 at 3.5 percent sa 2022.

Dahil sa malawakang pagbabakuna ay unti-unting nagbukas ang ekonomiya ng bansa, na nagpataas sa consumer at business confidence.

Mahigit sa 57 million Filipinos, o halos 65 percent ng target population ang nakatanggap na ng kahit isang COVID-19 vaccine dose hanggang December 8, 2021.

Bukod sa pagbili ng pamahalaan ng COVID-19 vaccines, ang World Health Organization-supported COVID-19 Vaccines Global Access (COVAX) facility ay nag-donate din ng supplies para sa nationwide vaccination program ng bansa.

Ang ADB ay tumutulong din sa pamahalaan sa pagbili ng COVID-19 vaccines.

Nagkaloob ito ng USD425 million na total financing sa pamamagitan ng Health System Enhancement to Address and Limit Covid-19 under the Asia Pacific Vaccine (HEAL) at HEAL2 programs. Ang loans na ito ay nakatulong para pondohan ang halos kalahati ng vaccine supply purchases ng bansa para sa 2021.