JAKARTA – Nabigo si Carlos Yulo na angkinin ang medalyang ginto sa artistic gymnastics men’s floor exercise at tumapos seventh overall sa walong kalahok upang manatili ang Filipinas sa ika-16 na puwesto sa medal race na may isang gold at limang bronze medals matapos ang limang araw na mainit na kumpetisyon sa 18th Asian Games dito.
Umaasa ang bansa ng karagdagang medalya mula sa athletics, boxing, BMX, judo at triathlon.
Sasabak ang mga Pinoy boxer ngayong araw, ang mga trackster sa Sabado, judo sa Agosto 29 at triathlon sa Agosto 31.
Anim na boxers – Eumir Felix Marcial, Mario Fernandez, Rogen Ladon, Joel Bacho, Carlo Paalam, at James Palicte ang makikipagbasagan ng mukha sa mga kalaban.
Si Fernandez ay bronze medalist sa 2014 Asian Games sa Incheon, South Korea at gold medalist sa SEA Games.
“All our boxers are grizzled veterans and battle-tested capable of winning medals. We sent the best boxers because competition is high level,” wika ni ABAP secretary-general Ed Picson.
Ang mga boxer ay nagsanay sa loob at labas ng bansa at lumahok sa mga torneo, kasama ang sa Thailand at Indonesia.
Nagtala si Yulo ng 13.500 points, sapat para sa ika-7 puwesto, habang nakuha ni Hansol Kim ng Korea ang ginto sa 14.675 points at napunta kay Chia Hung Tang ang pilak sa 14.425 points.
Ginawa ni Yulo ang lahat para maibigay sana sa bansa ang ikalawang gold medal nito, ang una ay ipinagkaloob ni Hidilyn Diaz sa women’s 53kg division sa weightlifting.
Sinamahan ni Yulo sina Arven Alcantara sa taekwondo at Gerald Verosil sa men’s speed event sa wall climbing sa mga nabigong makakuha ng medalya sa quadrennial meet.
Bigo ang Pinoy jins na mapantayan ang limang tanso na napanalunan sa nakaraang Asian Games sa Incheon, South Korea.
Maging sina Brazil Olympian at SEA Games gold Elaine Alora at SEA Games gold medalist at Asian Games bronze medalist Filipino-American Samuel Thomas Harper Morrison ay nabigo rin sa kanilang kampanya.
Masaklap ang pagkatalo ni Morrison kay Lee Hwajun ng Korea kung saan nakauna si Morrison sa first round, 7-3. Subalit bumawi ang Korean sa second round na umiskor ng 13 points laban sa pito ng Pinoy tungo sa come-from-behind win.
Hindi napanindigan ni Morrison ang sinabi ni Philippine Taekwondo Association executive director Sung Chon Hong na kayang talunin ng Pinoy ang Korean sa martial arts na kanilang pinasikat kung saan naging world champion si Sung.
Naunang ginapi ni Morrison si Farkhoud Negmativ ng Tajikistan, 19-17, at hindi niya nasustina ang lakas at yumuko sa Koreano.
Nabigo rin ang mga manlalaro sa sepak takraw na yumuko sa Vietnam, 17-21, gayundin sina Kenneth Chua, Merwin Tan at Enrico Lorenzo Hernandez na pumang apat sa men’s trio sa bowling na ginawa sa Palembang. CLYDE MARIANO
Comments are closed.