PH HANDA NA SA HOSTING NG FIBA WORLD CUP

HANDA na ang 2023 FIBA World Cup, kung saan kumpiyansa si Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Al S. Panlilio sa tagumpay ng hosting ng bansa sa global hoops conclave.

“Everybody is ready to go. I’m hoping the best World Cup ever for FIBA in terms of not only showing the world that we can host a global event like this, but really the hospitality of the Filipino people, the smiles and generosity of our people. I’m sure they can feel that,” pahayag ni Panlilio sa special edition ng Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum kahapon sa Meralco Conference Hall.

“The whole Local Organizing Committee (LOC) has been tireless when it comes to the World Cup preparations and I have full belief that we can provide a hosting like no other.”

Si Panlilio ay sinamahan sa forum nina SBP executive director Sonny Barrios, deputy event director Erika Dy, at joint management committee head John Lucas kung saan inihayag nila ang kahandaan ng bansa sa pagdaraos ng event.

Labing-anim sa top 32 basketball squads ang darating sa bansa para sa group stages, kung saan target ng bansa na makapagtala ng bagong FIBA attendance record sa opening day sa Biyernes sa susunod na linggo sa Philippine Arena.

Ang numero na dapat higitan ay 32,616 na naitala sa finals ng 1994 FIBA World Championship sa Toronto, Canada kung saan nakopo ng Shaquille O’Neal-lead USA ang gold medal laban sa Russia.

Madali itong malalagpasan ng Pilipinas dahil ang venue ay may full capacity na 55,000, na inaasahan ng mga organizer sa pagsisimula ng kampanya ng Gilas Pilipinas, sa pangunguna ni Jordan Clarkson, laban sa Dominican Republic na pinangungunahan ni Karl Anthony Towns.

“We’re really primed to beat that record. We’re very close to the goal, but not yet there,” sabi ni Dy. Idaraos din sa Mall of Asia Arena at Smart Araneta Coliseum ang iba pang group stage games sa bansa, habang isasagawa ng co-hosts Japan at Indonesia ang kanilang sariling preliminaries bago ang final phase sa Pasay venue.

Bukod sa star-studded USA team, kabilang sa NBA stars na sasabak sa Manila sina Bogdan Bogdanovic para sa Serbia at naturalized player Kyle Anderson para sa China.

Nangako ring maglalaro sa World Cup sina Luka Doncic para sa Slovenia, NBA champion Jamal Murray at Shai Gilgeous-Alexander para sa Canada, Juan Hernangomez para sa defending champion Spain, Lauri Markkanen (Finland), Rudy Gobert at Evan Fournier (France), Dennis Schroder at Franz Wagner (Germany), at Josh Giddey at Patty Mills (Australia)

Ayon kay Panlilio, nasa bansa na ang mga miyembro ng FIBA working staff dahil ang pre-World Cup events ay idaraos simula sa susunod na linggo, umpisa sa welcome dinner sa Lunes para sa mga delegado ng iba’t ibang basketball federations na dadalo sa FIBA National Congress sa Aug, 22 at 23 sa Sofitel Hotel.

Sa Aug. 23 ay isasagawa ng FIBA ang Hall of Fame ceremony nito kung saan iluluklok si Caloy Loyzaga.

-CLYDE MARIANO