PUSPUSAN na ang paghahanda ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) para sa FIBA Basketball World Cup 2023 (FBWC 2023) kasabay ng pagbuhos ng suporta mula sa basketball stakeholders sa bansa.
Nakatakdang i-host ng Pilipinas ang FBWC 2023 kasama ang Japan at Indonesia mula Agosto 25 hanggang Setyembre 10, 2023.
Sa board meeting ng SBP na pinamunuan ni chairman, Senator Sonny Angara noong Lunes, inilatag ni president Al Panlilio ang mga plano para sa pagdaraos ng event sa iba’t ibang board members mula sa Philippine Basketball Association (PBA), University Athletic Association of the Philippines (UAAP), National Collegiate Athletic Association (NCAA), at iba pang major basketball organizations.
“Showcasing the Philippines, this will be the biggest basketball event to be hosted in the country. Since 1978, we have not hosted a tournament of this magnitude,” wika ni Panlilio sa isang news release kahapon.
Ang SBP ay bumuo ng isang local organizing committee na binubuo ng industry stalwarts at experts upang maghanda para sa kumpetisyon. Magkakaroon ng 40 games sa qualifiers sa Smart-Araneta Coliseum at SM Mall of Asia Area, at 12 games para sa final phase sa Philippine Arena.
Kabilang sa mga itinakdang aktibidad ang One Year To Go and Tissot Countdown Clock Launch sa Agosto 27, 2022, ang FBWC 2023 Draw event sa Abril 2023, ang Official Ball Launch, ang Opening Ceremonies, at ang Competition proper hanggang Set. 10, 2023.
Bukod sa hosting plans, ibinahagi rin ng SBP president ang nagkakaisang commitment ng Philippine basketball na bumuo ng ‘best team’ para sa FBWC 2023.
Inilatag ni Gilas Pilipinas head coach Chot Reyes sa SBP board ang kanyang roadmap sa pagbuo ng men’s basketball team.
Binanggit ni Reyes ang best players mula sa PBA, UAAP, NCAA, at iba’t ibang international professional leagues sa layuning maglaro sa World Cup Asian Qualifiers, at mabawi ang gold sa Southeast Asian Games, at sumabak kontra sa pinakamahuhusay sa mundo sa FBWC 2023.
All out din ang suporta ng PBA, ang Asia’s pioneering professional league, sa SBP at Gilas Pilipinas. Ang PBA ay magdaraos lamang ng dalawang conference sa susunod na season para magbigay-daan sa paghahanda ng Gilas Pilipinas sa World Cup nang sa gayon ay makapagsanay ang koponan ng tatlong buwan at makabuo ng “chemistry atbfamiliarity”.
Nangako rin ang UAAP at NCAA na titiyakin ang paglalaro ng mga mapipiling player sa national team.
“We only have 389 days from the actual tip-off and I do appeal to all the stakeholders in basketball to come together and really unify in this effort,” ani Panlilio.