PH-INDIA AGRI COOPERATION PINALAKAS

NAGKASUNDO sina Agriculture Secretary William Dar at India Agriculture Minister Narendra Singh Tomar na ipagpatuloy ang partnership tungo sa mas maigting na technical cooperation at market access upang tuloy-tuloy na mapalakas ang food production para sa dalawang bansa.

Nag-host si Minister Tomar ng maikling bilateral meeting kay Secretary Dar at sa mga miyembro ng Philippine delegation sa Indian Ministry of Agriculture and Farmers’ Welfare, sa Krishi Bhavan, New Delhi nitong April 21.

Ayon kay Dar, makikinabang nang malaki ang Pilipinas sa India sa pagiging third-ranking rice producer at exporter nito sa mundo, at lider sa development at commercialization ng natural at biological farm inputs.

Sa pagsirit ng presyo ng chemical fertilizers sa world market,  na sinamahan ng Russia-Ukraine crisis, sinabi ni Dar na mapipilitan ang Pilipinas na gumamit ng kumbinasyon ng organic at inorganic fertilizers.

Sinabi rin niya kay Minister Tomar na isusulong ng Pilipinas ang mas maraming dekalidad na export products sa India upang matamo ang mas balansiyadong kalakalan.

Noon lamang isang taon, ang India ay nag-export ng US$ 450-million na halaga ng mga produkto sa Pilipinas, habang bumili lamang ng US$50-million na halaga ng Filipino goods.

Nagkasundo rin sina Minister Tomar at Dar na i-renew ang agricultural cooperation sa paglikha ng joint technical working group, na binubuo ng mga eksperto mula sa dalawang bansa na may mandatong palakasin ang umiiral na partnership at maghanap ng mga bagong larangan ng pagtutulungan, partikular sa aquaculture at marine, renewable energy, risk reduction management, at natural at biological farm inputs.

Sa naturang pagpupulong, nangako si Tomar na susuportahan ang mga inisyatiba para maiangat ang Philippine agriculture sa pamamagitan ng pagpapatupad ng iba’t ibang science-backed projects, kabilang ang satellite-based insurance system at soil and water management.

Si Dar ay nagtungo sa New Delhi para sa BioAg Asia 2022, isang two-day forum sa  bio-control at bio-stimulant strategies, gayundin sa research and technology ng iba’t ibang grupo, hindi lamang sa Asia kundi sa buong mundo, kabilang ang Pilipinas.