MAPAPALABAN ang 10 Southeast Asian Games-bound karatekas, sa pangugnuna ni Orencio de los Santos, sa Asian Karatedo Championship na aarangkada sa Hulyo 15 sa Uzbekistan.
Kasama ni De los Santos sina Rexor Tacay, John Paul Bejar, Jayson Manalay, Prinze Alejo, Eugene Dagohoy, Junna Tuskii, Mae Soriano, Miyuki Tacay, at Filipino-Jordanian Sharif Afif.
Sa gabay nina coach Okay Arpa at Junel Perania, sisikapin ng mga Pinoy na manalo at muling bigyan ng karangalan ang bansa, at pataasin ang kanilang morale sa kanilang pagsabak sa SEA Games na nakatakda sa Disyembre.
Sinabi ni Arpa na naghanda at nagsanay nang husto ang mga Pinoy para mamayani sa torneo.
“Matagal naming pinaghandaan ang tournament na ito. Positibo ako na makapag-uuwi sila ng karangalan dahil hasang-hasa at malawak ang karanasan nila sa pakikipaglaban sa labas,” sabi ni Arpa.
Lalaban si De los Santos sa individual kata, ang event na kanyang nadominahan sa World Karatedo sa South Africa.
Sasabak naman sina Tacay sa 75kgs., Bejar sa 55kgs., Manalay sa 60kgs., Alejo sa 67kgs., Dagohoy sa 84kgs., Tsukii sa 50kgs., Soriano sa 55kgs., at Afif sa team kumite.
Inamin ni De los Santos na magiging mabigat ang laban dahil lahat ng magagaling sa Asia ay lalahok.
“It’s a tough tournament. We’ll be there fighting because our ultimate goal is to win and we will go for it,” sabi ni De los Santos, beterano ng maraming international karatedo competitions at lumaban sa 2017 SEA Games sa Malaysia.
Ang mga Pinoy ay magugunitang nagsanay sa Netherlands at Germany para mahasa at lumawak ang kanilang karanasan.
Ang kampanya ng mga Pinoy ay pinondohan ng Philippine Sports Commission (PSC) na pinamumunuan ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez. CLYDE MARIANO
Comments are closed.