NAKASISIGURO na ang Philippine kickboxing team ng walong medalya sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.
Nakakuha si Zephania Ngaya ng bye para sa guaranteed silver medal sa women’s 65 kgs class ng full contact. Makakaharap niya ang mananalo sa pagitan nina Huyinh Thi Aikvee ng host Vietnam at Jessie Yothawan ng Thailand sa final set sa Biyernes.
Apat pang Filipina kickboxers ang nakasisiguro na rin ng bronze makaraang makakuha rin ng byes.
Subalit maaaring umusad si Renalyn Dacquel sa potential bronze medal kapag tinalo niya si Boonpeng Kanwara sa women’s full contact -48 kgs class fight.
Makakasagupa ni Gretel De Paz si Le Thi Nhi ng Vietnam o si Pieter Fiandra Ariesta ng Indonesia sa gold medal round ng -56 kgs ng women’s full contact sa Miyerkoles.
Makakalaban ni Claudine Veloso si Vietnamese Bui Hai Linh sa semifinals ng 52 kg women’s low kick class, at makakaharap ni Gina Iniong si Malaysian Radzuan Hayatun Nahijin sa semifinals ng 60 kg women’s low kick event.
Umaasa ang Samahang Kickboxing ng Pilipinas na pinamumunuan ni President Francis “Tol” Tolentino na ang pitong bronze at isang silver ay magiging gold medals sa final day ng kickboxing.
Nakasiguro na rin si dating wushu champion Jean Claude Saclag ng bronze medal via 3-0 victory kontra Souliyavong Latxasak ng Laos noong nakaraang Linggo. l
Sinamahan nina Honorio Banario at Emmanuel Cantores si Saclag bilang potential gold medalists makaraang dispatsahin ang kani-kanilang katunggali noong Lunes ng gabi.