HUMAKOT ang Pilipinas ng kabuuang 25 medalya sa Asian Youth and Junior Weightlifting Championships sa Qatar.
Ang national team ay nagwagi ng 5 golds, 7 silvers at 6 bronzes upang pumangatlo sa Youth division sa likod ng Vietnam (9-10-6) at India (6-2-4).
Sa Junior division, ang Pilipinas ay tumapos sa ika-5 puwesto na may 3 silvers at 4 bronzes, sa likod ng Vietnam, Thailand, Chinese Taipei at Turkmenistan.
Si Aldrin Colonia ng Zamboanga ay bumuhat ng 2 golds (clean and jerk, total) at 1 silver sa snatch sa Youth men’s 49kg category.
Hinablot naman ni Eron Borres ng Cebu City ang snatch gold sa kaparehong category.
Nagwagi rin si Jhodie Peralta, mula rin sa Zamboanga, ng 2 golds (snatch, total) at 1 silver (clean and jerk) sa Youth women’s 55kg category.
Samantala, nag-uwi si Prince Keil Delos Santos ng Angono, Rizal ng 3 silvers sa Youth men’s 55kg division at 3 bronzes sa Junior division.
Ang iba pang medalists ay sina Althea Bacaro, Princess Jay Ann Diaz, Alexsandra Diaz, Rose Jean Ramos, Angeline Colonia, at Rosalinda Faustino.
“This was a successful campaign and a stepping stone for Los Angeles 2028. Other countries like India and Vietnam are catching up, so we need to intensify our efforts,” pahayag ni Samahang Weightlifting ng Pilipinas president Monico Puentevella sa isang statement.
Pinasalamatan niya ang Philippine Sports Commission, private sponsors, parents, at coaches sa kanilang suporta.
Ang Youth division ay para sa mga atleta na may edad 13 hanggang 17 habang ang Junior division ay para sa mga may edad 15 hanggang 20.