SINAMAHAN ni PSC chairman Richard Bachmann sina SWP President Monico Puentevella at Paris Olympic-bound weightlifters John Ceniza, Elreen Ando, at Vanessa Sarno.
HINDI na itutuloy ng Samahang Weightlifting ng Pilipinas (SWP) ang plano nilang ipadala ang kanilang Olympic qualifiers sa China para sa huling bahagi ng pagsasanay bago sila magtungo sa Paris.
Sa halip, target ni SWP president Monico Puentevella ang Taipei bilang final stop ng training para kina Vanessa Sarno, Elreen Ando at John Ceniza, na pawang nakasisiguro na ng Paris berths. Ang ika-4 na weightlifter. si Rosegie Ramos, ay naghihintay pang mag-qualify.
“We intended to train them in China. Sinubukan ko for more than a year and I negotiated with the Chinese Embassy but they have been very lukewarm,” pahayag ni Puentevella sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum noong Martes sa Rizal Memorial Sports Complex.
“So now kahit one month lang sana mag-training sila sa Taipei. Sana tanggapin sila sa Taipei,” dagdag ni Puentevella sa forum na itinataguyod ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Smart/PLDT, MILO, at ng ArenaPlus, ang 24/7 sports app sa bansa.
Nasungkit ng Pilipinas ang unang Olympic gold nito sa Tokyo noong 2021 mula kay weightlifter Hidilyn Diaz, na nagsanay sa China sa ilalim ng isang Chinese coach bago sumabak sa Tokyo Games.
Sinabi ni Puentevella na ang pagwawagi ni Diaz ng 55kg gold sa Tokyo ay maaaring may epekto sa kanyang kahilingan na magsanay ang Filipino weightlifters sa China. Ang dating coach ni Diaz na si Chinese Gao Kaiwen ay naka-base na ngayon sa Taipei.
“I’m not surprised,” ani Puentevella, na sinamahan sa forum nina Sarno, 20; Ando, 25; at Ceniza, 26.
Si Sarno ay sasabak sa women’s 71kg, si Ando sa women’s 59kg, at si Ceniza sa men’s 61kg. Sa tatlo, si Ando lamang ang two-time Olympian matapos lumahok sa Tokyo.
“Masaya ako dahil lahat ng sacrifices namin nagbunga po lahat,” sabi ni Sarno, na mataas ang target sa kanyang debut stint sa Olympics.
“Siyempre po gold medal,” aniya. Gusto ko po baguhin ‘yung mentality na ang first time mo sa Olympics is for exposure lang.”
CLYDE MARIANO