LALAHOK ang mga Filipino weightlifter na umaasang mag-qualify para sa 2024 Paris Olympics sa dalawa pang torneo para palakasin ang kanilang tsansa.
Walong atleta, sa pangunguna ni Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz-Naranjo ng Zamboanga City, ang sasabak sa Asian Championships sa Tashkent, Uzbekistan sa Feb. 3-10 at sa World Cup sa Phuket, Thailand mula March 31 hanggang April 11.
Ang iba pang nasa line-up ay sina Zamboangueñas Rose Jean Ramos (W45kg), Rosegie Ramos (W49kg) at Kristel Macrohon (W71kg); Lovely Inan ng Angono, Rizal (W49kg); John Febuar Ceniza (M61kg) at Elreen Ann Ando (W59kg) ng Cebu City; at Vanessa Sarno ng Bohol (W71kg).
Ang walong atleta ay lumahok sa International Weightlifting Federation (IWF) Grand Prix II noong Dec. 5-10 sa Doha, Qatar, subalit sina Rose Jean Ramos at Ceniza lamang ang nag-uwi ng medalya.
Si Ramos, 18, ay nagwagi ng tatlong silver medals – snatch (70kgs), clean and jerk (85kgs) at total (155kgs).
Bumuhat naman si Ceniza, 25, ng silver medal sa total (298kgs) sa kabila ng fourth place finish sa snatch (133kgs) at fifth sa clean and jerk (165kgs). Ang kanyang lifts ay bagong national records.
“The World Cup is a very tough competition and I’m sure John Febuar will do his best, just like what he did in Qatar,” wika ni national coach Christopher Bureros.
“I told him to stay focused and that he has to surpass his previous personal records to improve his chance of qualifying in Paris,” dagdag ni Bureros, na kasama si coach Ramos Solis, ay pinangangasiwaan ang training ni Ceniza.
Ang Top 10 lifters ay makakakuha ng quota place para sa kani-kanilang bansa at bodyweight category sa pamamagitan ng IWF Olympic Qualification Ranking tournaments mula Aug. 1, 2022 hanggang April 28, 2024.
CLYDE MARIANO