PANGUNGUNAHAN ni Hidilyn Diaz-Naranjo ng Zamboanga City ang kampanya ng bansa para sa Olympic berths sa International Weightlifting Federation (IWF) World Cup na gaganapin sa Phuket, Thailand mula Marso 31 hanggang Abril 11.
Makakasama ng 2020 Tokyo Olympic gold medalist sa torneo, na final qualifier para sa Paris Olympics, sina fellow Zamboangueñas Rosegie Ramos (W49kg.) at Kristel Macrohon; Lovely Inan ng Angono, Rizal (W49kg.); John Febuar Ceniza (M61kg.); Elreen Ann Ando ng Cebu City; at Vanessa Sarno ng Bohol.
Sina Macrohon at Sarno ay kapwa sasabak sa W71kg. habang sina Diaz-Naranjo at Ando ay sa W55kg. category.
Ang mga atleta na sasamahan nina Samahang Weightlifting ng Pilipinas (SWP) president Monico Puentevella at coaches Antonio Agustin Jr. at Diwa delos Santos (Zamboanga City), Nicolas Jaluag (Bohol), at Christopher Bureros (Cebu City), ay aalis sa March 29.
Base sa IWF Olympic qualifying rankings, si Ceniza ay 6th; Sarno, 5th; Diaz-Naranjo, 8th; at Ramos, 9th.
Ang top 10 lifters lamang ang makakakuha ng quota place para sa kani-kanilang bansa at bodyweight category sa pamamagitan ng IWF Olympic Qualification Ranking tournaments mula Agosto 1, 2022 hanggang Abril 28, 2024.
Ang World Cup ang magiging unang torneo para kay Diaz-Naranjo makaraang magtamo ng knee injury habang sumasabak sa 2023 IWF Grand Prix II sa Doha, Qatar.
Hindi siya lumahok sa Asian Championships noong nakaraang buwan kung saan nagwagi ang Pilipinas ng dalawang silver medals na kaloob nina Ramos at Ando, bronze medalist sa 2023 Hangzhou Asian Games.
Sa SEA Games ay nagwagi si Sarno ng gold medal sa Vietnam (2022) at Cambodia (2023) habang namayani si Macrohon sa Manila (2019).
Bumuhat din si Sarno ng dalawang medalya sa Asian Championships — gold sa Tashkent, Uzbekistan (2020) at silver sa Jinju, South Korea (2023).
Nasikwat ni Ceniza, 25, ang silver medal sa 2023 World Grand Prix II sa Qatar. Bumuhat siya ng kabuuang 298kg. sa kabila na tumapos na fourth sa snatch (133kg.) at fifth sa clean and jerk (165kg.). Ang kanyang binuhat ay national records ngayon.
CLYDE MARIANO