TAHASANG sinabi ni Senadora Grace Poe na kailangang mamuhunan ang bansa ng mga eksperto sa pagbuo at pagpapalakas ng kakayahang kontrolin at paglaban sa mga sakit tulad ng lumalaganap na corona virus disease ( COVID-19).
“Kailangan nating palakasin ang suporta para sa isang proactive at mahusay na sistemang pangkalusugan. Kasama rin nating pag-ibayuhin ang ating kapasidad upang mapigilan at makontrol ang pagkalat ng mga nakahahawang sakit, at gayundin para maging handa sa anumang uri ng sakit na darating pa,” ani Poe.
Bilang suporta sa isang pangkalahatang pagtugon sa mga public health risk, naghain si Poe ng Senate Bill No. 1450 o ang “Pandemic Preparedness and Response Act” na bubuo ng Center for Disease Control (CDC) na mangunguna at magpapatupad ng mga pagbalangkas upang makontrol at mapigilan ang anumang nakahahawang sakit
“May kasabihan nga na, ‘An ounce of prevention is better than a pound of cure,’ at siyempre mas mabuti ito kaysa sa kung paano natin masosolusyunan ang mga malaking socio-economic losses na dulot ng mga sakit,” ani Poe.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang CDC ang maaatasang gumawa ng isang national strategy upang paghandaan at harapin ang mga public health emergency at magbigay ng direksiyon sa paglaban dito.
Ang center ay inaasahan ding magbibigay ng konsultasyon at tulong sa ibang bansa at international agencies upang makipagtulungan at maging kaagapay para mapabuti ang mga pamamaraan sa paglutas sa mga sakit.
“Kailangan nating pag-ibayuhin ang ating paghahanda at magkaroon ng sapat na mga kagamitan sa ating patuloy na pagharap sa mga banta at panganib sa ating kalusugan. Lahat tayo ay may responsibilidad para rito,” pahayag ng senadora,
Ang panukalang batas ni Poe ay nakakuha ng inspirasyon mula sa mungkahi noon ng yumaong Senadora Miriam Defensor Santiago na matapang na lumaban sa sakit na cancer na kumitil din ng maraming buhay.
Sa kasalukuyan, mayroong tatlong milyong katao na ang apektado ng COVID-19 sa buong mundo na kung saan 209,000 na ang nasawi.
Aniya, hindi lamang ang kalusugan, maging ang lahat ng sektor ay kailangang umakma sa bagong norm o pamantayan at kailangang magsagawa ng mga kinakailangang pagbabago upang makaagapay.
“Kailangan natin ng bagong diskarte, mag-restrategize, mag-restructure at mag-reinvent sa ating sistema kung gusto nating makaagapay at kayanin ang mga hagupit at pinsala na dulot ng COVID-19, kasama na ang banta ng mga bagong sakit,” diin ni Poe. VICKY CERVALES
Comments are closed.