PH MAHIHIRAPANG IDEPENSA ANG OVERALL SEAG TITLE – BAMBOL

Abraham Tolentino

HANGGANG walang dumarating na karagdagang pondo ay magkakasya na lamang ang mga Filipino athlete sa kung ano ang mayroon sa kanilang paghahanda para sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi sa Mayo.

“We have to face the reality because of this pandemic,” wika ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham Tolentino sa online Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum nitong Martes.

Sa katunayan, sinabi ni Tolentino na malabo nang makapagsanay sa ibang bansa ang 584 athletes na nasa POC list, halos apat na buwan bago magtangka ang Pilipinas na idepensa ang overall SEA Games crown.

“I doubt kung mayroon pang overseas training,” pahayag niya sa forum na itinataguyod ng  San Miguel Corporation (SMC), MILO, Amelie Hotel Manila, Braska Restaurant, Unilever, at ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), kasama ang Prime Edge bilang social media at webcast partner.

Tila pabalik na sa normal ang lahat nitong mga nakalipas na buwan hanggang umeksena ang COVID Omicron variant at balik na naman sa simula ang paghahanda sa SEA Games.

“Nakakahinga na sana ng kaunti eh,” ani Tolentino, umaasang may sapat na panahon ang POC upang makahingi ng suporta sa Kongreso at sa pribadong sektor para madagdagan ang  budget para sa SEA Games.

Sa ngayon, ang Philippine Sports Commission (PSC) ay may nakalaang P121 milyong pondo para sa   SEA Games. Ang orihinal na budget nito ay nasa P200 million, subalit malaking halaga na ang ginugol para sa training bago pumutok ang pandemya.

Ang Hanoi SEA Games ay orihinal na nakatakda noong nakaraang taon subalit iniurong ngayong Mayo dahil sa pandemya.

“We’re working amid all the budgetary constraints,” dagdag ni Tolentino, na tinanong ang sarili kung maidedepensa ng Pilipinas ang overall title sa kabila ng matinding hamon mula sa host Vietnam.

“Can we defend the overall championship? A lot of things have happened. Mahirap sagutin yan. Second, the budgetary constraints will have a huge effect on our campaign,” aniya.

“Kaya pa rin i-defend pero uphill battle,” wika ni Tolentino, at idinagdag na inalis ng  host country ang mahigit 40 events kung saan nanalo ng gold medals ang Pilipinas noong 2019, at nagdagdag ng mahigit 30 events na paboritong magwagi ang hosts ngayong taon.

Ayon sa cycling chief, posibleng maglaban para sa second overall ang Pilipinas, Thailand at Indonesia.

“‘Yan ang maglalaban sa two, three, four. I think Malaysia and Singapore kaya natin,” sabi ni Tolentino, na idinagdag na ang fifth place finish sa medal standings ay malabong mangyari.

“Malabo na siguro ‘yan (fifth place) with what happened in 2019,” dagdag ng POC prexy, inalala ang taon nang i-host ng Pilipinas ang Games at nakopo ang overall title sa ikalawang pagkakataon. CLYDE MARIANO