PH, MAIIPIT SA GIRIAN NG US AT CHINA SA SOUTH CHINA SEA

SOUTH CHINA SEA

NAGBABALA ang ilang geopolitical expert na posibleng mas tumindi pa ang tensiyon sa South China Sea sa pagitan ng US at China at maaring maipit sa hidwaan ang Filipinas.

Ang pahayag ay kapwa ginawa nina Defense Sec. Delfin Lorenzana at Asia-Pacific policy expert Ernest Bower sa Pilipinas Conference 2020 virtual forum ng Stratbase Albert del Rosario Institute noong Miyerkoles.

“This then is the crux of the security challenge in the Indo-Pacific region, the looming confrontation of the US and its allies and China for the South China Sea,” ani Lorenzana.

Sinabi ng defense secretary na maaari namang idahilan ng US at China na “defensive in nature” ang kani-kanilang mga aksiyon subalit nakapangangamba, aniya, na hindi malayong mangyari ang maling kalkulasyon mula sa alinmang dalawang naggigiriang superpower.

Ibinunyag pa ni Lorenzana na lalo pang inarmasan ng Beijing kamakailan lang ang sarili nitong Coast Guard at pati na ang iba pa nitong nagpapatrolyang barko sa nasabing karagatan.

Ayon naman kay Bower, ang CEO ng Bower Group Asia, mas kailangan sa ngayon higit kailanman na mapag-usapan at maresolba nang sama-sama ang isyu upang hindi na ito lumala pa, lalo’t si Joe Biden ang nahalal bilang bagong US president na aniya’y inaasahang magpapatupad ng isang estriktong polisiya ukol sa South China Sea.

“Biden and the US will look for chances to expand investment in security cooperation, economic partnership, and deepening our strong ties across sectors,” ani Bower.

Idinagdag ni Bower na inaasahang palalakasin ng administrasyon ni Biden ang alyansa sa mga bansang Australia, Japan, Korea, Pilipinas, at Thailand, at magiging kabilang sa mga prayoridad nito ang pagpreserba sa Visiting Forces Agreement dito sa bansa.

Samantala sa parehong online forum, binigyang-diin ni Stratbase ADR Institute president Prof. Dindo Manhit na kahit krusyal ang papel at presensiya ng US sa Indo-Pacific sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, hindi naman dapat na ito lang ang magdikta sa magiging kapalaran ng rehiyon.

“Middle-power countries should realize that even if the US presence in the Indo-Pacific is crucial to ensure a rules-based order, the region’s future should not be dictated by or charted under a unipolar hegemony,” ani Manhit.

Panukala ni Manhit, kailangang palakasin ang “minilateral collaboration” sa pagitan ng mga kaalyadong bansa ng Filipinas dahil sa lumalalang banta sa seguridad ng rehiyon.

Comments are closed.