PH MAINIT ANG SIMULA SA AFC WOMEN’S FUTSAL ASIAN CUP QUALIFIERS

MAINIT na sinimulan ng Pilipinas ang kampanya nito sa AFC Women’s Futsal Asian Cup Qualifiers makaraang pataubin ang Kuwait, 4-1, sa Uzbekistan.

Naitala ni Katrina Guillou, may dalawang goals sa laro, ang maagang goal para sa women’s squad dalawang minuto papasok sa laro.

Tangan ng Pilipinas ang kalamangan sa halftime, 1-0, bago nanalasa sa second half.
Dinoble ni Bella Flanigan ang kalamangan ng bansa sa 17:58 mark, habang gumawa ng isa pa si Dionesa Tolentin para sa Pilipinas sa 13:05 mark.

Tinangka ng Kuwait na humabol sa kanilang unang goal, wala nang limang minuto ang nalalabi sa second half, subalit sinelyuhan ni Guillo ang panalo para sa Pilipinas sa ika-4 na goal ng bansa.

Ayon sa social media account ng koponan, ito ang pinakamalaking winning margin ng bansa sa isang high-profile international tournament magmula nang maiposte ang 5-2 laban sa Malaysia sa 2007 Asian Indoor Games.

Susunod na makakaharap ng Pilipinas ang host country Uzbekistan sa Lunes.

Ang top two teams ng lahat ng apat na grupo ay aabante sa AFC Women’s Futsal Asian Cup sa China, kasama ang best-ranked third place team.

Ang Asian Cup ay magsisilbing qualifying tourney para sa inaugural FIFA Women’s Futsal World Cup na iho-host ng Pilipinas.