PH MAY 13 GOLDS NA SA 11TH ASEAN PARA GAMES

NAGPASIKLAB si Ariel Joseph Alegarbes sa kanyang debut sa 11th ASEAN Para Games sa pagsikwat ng dalawang golds sa record-breaking style kahapon sa Jatidiri Sports Complex pool sa Semarang, Indonesia.

Nagningning din ang Filipino para chessers sa pagwawagi ng 4 golds mula sa sweep ng men’s individual at team sa standard events ng P1 at VI B2-B3 categories, ayon sa pagkakasunod, sa Lor-in Hotel.

Naghari sina FIDE Master Sander Severino at Menandro Redor sa men’s individual P1 at VI B2-B3 divisions, ayon sa pagkakasunod, at pinangunahan ang kanilang hiwalay na teams sa panalo para samahan si Alegarbes bilang double gold medalists ng bansa.

Tinalo ni Severino ang kababayang si Henry Roger Lopez para sa individual gold sa P1 class habang pinangunahan ni Redor ang 1-2-3 finish sa VI B2-B3 division kasama sina Arman Subaste at Darry Bernardo na kinuha ang silver at bronze, ayon sa pagkakasunod.

Nakopo ng trio nina Severino, Lopez at Jasper Rom ang men’s team P1 gold habang sina Redor, Subaste at Bernardo ang top squad sa VI B2-B3 class.

Sa harap ng maliit ngunit masiglang Filipino crowd, kabilang ang kanyang ama na si Abner, si Alegarbes ay may hindi malilimutang outing sa pagdomina sa men’s 100-meter backstroke S14 event, nanalasa sa huling 10 metro upang pangunahan ang karera sa oras na one minute at 3.01 seconds. Naungusan niya si Malaysia’s Muhammad Imaan, na tangan ang kalamangan sa 75-meter mark ngunit natalo at nagkasya sa silver sa 1:03.20, habang nasa malayong ikatlo si Thailand’s Mrjirachot Chuvong para sa bronze medal. (1:11.68).

Halos hindi pa nakapagpapahinga, ang 18-year-old Victoria, Negros Oriental pride ay bumalik sa pool ngunit sa pagkakataong ito ay lumamang mula umpisa hanggang katapusan upang dominahin ang men’s 50-butterfly S14 event sa 26.43 seconds, at kumpletuhin ang golden double sa kanyang rookie stint sa sportsfest.

Bukod sa pagiging unang double gold medalist ng bansa sa meet, si Alegarbes ay nagtala ng bagong meet records sa parehong events, unang winasak ang five-year-old mark na 1:03.60 sa 100-meter backstroke na naitala ni Indonesia’s Muhammad sa 2017 Malaysia ASEAN Para Games. Dinaig din niya ng halos apat na segundo ang joint record na 30.01 seconds na hawak nina Malaysian W.Y. Chung at Indonesian D. Nugruho na naitala rin sa parehong Games na idinaos sa Malaysian capital ng Kuala Lumpur.

“I feel like I am about to explode because I was not expecting this. This is for my father who led me into swimming. Without him I wouldn’t be here,” sabi ni Alegarbes, na nagtamo ng ADHD na may learning disability na may dyslexia, habang iniaabot ang dalawang gold medals sa kanyang ama.

Nagkasya si veteran Ernie Gawilan, nanalo sa men’s 400-meter freestyle S7 event noong Lunes, sa silver sa men’s 100-meter backstroke S7 race sa oras na 1:21.13 para sa isa pang swimming meda.

Patuloy rin sa pananalasa ang TPH track and field bets sa Manahan Stadium kung saan dinagdagan nina runner at newcomer King James Reyes at veteran thrower Jesebel Tordecilla sa women’s ang ginto ng athletics.

Naghari si Reyes sa men’s 5,000-meter race T46 event, habang kinuha ni Tordecilla ang gold sa kanyang heave ns 14.21 meters sa kanyang third attempt sa women’s javelin throw F55 event at nagdagdag ng bronze medal sa shot put.

Sa mga panalo ng chess, swimming, at athletics, ang PH para athletes ay nakalikom na ng kabuuang 13 gold, 11 silver, at 20 bronze medals.