PH MEN’S SOFTBALL TEAM KAKASA SA SEA GAMES

Softball

DAHIL sa tawag ng tungkulin at pagmamahal sa bansa ay isinakripisyo ni Rey Pagkaliwagan ang kanyang lucrative coaching job sa Malaysia at bumalik sa bansa para hawakan ang men’s softball team na ipagtatanggol ang korona sa 30th Southeast Asian Games.

“Bilang dating national player na naglaro ng mahigit dalawang dekada ay tungkulin kong tulungan ang team bilang coach para mapanatili ang korona sa softball na hinawakan natin mula 2005,” sabi ni Pagkaliwagan sa panayam ng PILIPINO Mirror matapos na pamahalaan ang ensayo ng mga player, katuwang sina fellow World Softball at Asian Softball veterans Apol Rosales at Edwin Mercado.

“Material things are not important. What is more important is love of country. Kaya nandito ako para tulungan ang team na maipagtanggol ang korona,” aniya.

Nang tanungin kung kayang talunin ng mga Pinoy ang Malaysia na kanyang hinasa sa loob ng dalawang taon, sinabi ni Pagkaliwagan na, “Kaya natin dahil may likas na ga­ling ang mga Pinoy sa softball.”

“Nasa opposite side ako. Makakalaban ko ang dati kong team,” sambit ng 51-anyos na Batangueño coach.

Bilang pitcher na naglaro sa malalaking tournaments, kabilang ang World Men’s Softball, Asian Men’s Softball at Asian Games, hahasain at palalakasin ni Pagkaliwagan ang pitching na kinabibilangan tatlong right-handers at isang left-hander.

“Hahasin ko nang husto ang apat na pitchers dahil ang tagumpay ng team ay nakasalalay sa mga kamay ng pitchers,” ani Pagkaliwagan.

Bukod sa Filipinas at Malaysia, lalahok din sa men’s softball ang Thailand, Indonesia at Singapore. Lalaruin ang softball sa Clark Field Softball field. CLYDE MARIANO