PH MEN’S VOLLEYBALL POOL SASALANG SA TRAINING CAMP SA TAIWAN

INANUNSIYO kahapon ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) ang mga miyembro ng national men’s pool kung saan kukunin ang bubuo sa national team na sasabak sa Cambodia 32nd Southeast Games sa Mayo.

Ayon kay PNVF president Ramon “Tats” Suzara, ang pool ay sumalang sa Day 1 ng ensayo sa University of Santo Tomas Quadricentennial Pavilion sa ilalim ni head coach Odjie Mamon.

Pagkatapos nito, ang pool ay lilipad sa Chinese-Taipei sa February 15 para sa 10-day training camp, na kinabibilangan ng tune-up matches kontra Taiwanese pro clubs Taipower, Win+Streak, Taichung Apollo at TFMI Falcon sa mga lungsod ng Kaohsiung, Taichung at Tauyuan.

“This partnership with the Chinese Taipai Volleyball Association, through its secretary-general Chan Jing-Jong, is just part of the various deals or joint programs that the PNVF has forged with our foreign counterparts,” ani Suzara.

Ang mga miyembro ng pool ay sina Jade Disquitado, Lloyd Josafat, Rex Intal, Rwenzmel Taguibolos, Leo Ordiales, Joshua Umandal, Vince Lorenzo, Jay Rack de la Noche, Madzlan Gampong, Kim Dayandante, Jelex Mendiola, Vince Mangulabnan, Edward Camposano, Jayvee Sumagaysay at Noel Kampton.

Makakasama ni Mamon sina assistant coach Rommel John Abella, strength and conditioning coach Miggy Samonte, trainer Mark Alfafara at team manager Jerome Guhit.

“It’s a mix of young and veteran players but I’m also planning to include five more players in the pool,” sabi ni Mamon. “This training exchange program is very important to our SEA Games campaign.”

Ang men’s pool ay magkakaroon ng isa pang training camp kasama ang top-tier V.League Division I team Panasonic Panthers sa Abril sa Osaka, Japan.

Inaasahan din ng PNVF ang pagdating ni veteran Brazilian coach Sergio Veloso, na makakatulong ni Mamon sa paghawak sa men’s team.