NILINAW ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) na lalahok pa rin ang men’s team sa 32nd SEA Games sa Cambodia ngayong Mayo sa kabila na hindi naisama ang koponan sa group draw noong Miyerkoles.
Sa isang social media post ng Cambodia 2023, ang men’s team ay nakagugulat na wala sa draw, habang ang women’s team ay nasa Group B kasama ang Vietnam, Singapore, at ang host country.
Sinabi ni PNVF national team commission head Tony Boy Liao na sasabak pa rin ang men’s squad sa biennial meet, at sa katunayan ay aalis, aniya, ito patungong Japan ngayong weekend para sa training camp.
Dagdag pa niya, hihingi rin siya ng paglilinaw mula kay Chito Loyzaga, ang chef de mission ng bansa sa SEA Games, gayundin sa Philippine Olympic Committee (POC).
Nauna nang inilabas ng PNVF ang lineup nito para sa SEA Games, kung saan sina Alyssa Valdez at Vince Mangulabnan ang magsisilbing team captain ng women’s at men’s teams, ayon sa pagkakasunod.