PH MIXED TEAM SA SEMIS

SQUASH

WINALIS ng Filipinas ang Group A matches nito laban sa Thailand at Indonesia noong Huwebes ng gabi upang umabante sa semifinals ng 5th Southeast Asian Cup Squash Cup Championships sa Kerry Sports Courts sa loob ng Shangri-la Hotel sa The Fort, Taguig City.

Binokya ng Kayod Pilipinas bets ang Thais, 5-0, pagkatapos ay pinataob ang Indons, 4-1, para pangunahan ang grupo at kunin ang isang puwesto sa semis sa six-nation tournament na inorganisa ng Philippine Squash Academy at suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC).

Inaasahang maka­kasagupa ng mga Pinoy ang Singaporeans, na nabigo sa Malaysia, 2-3, sa Group B match upang magtapos sa ikalawang puwesto sa grupo na may 1-1 kartada makaraang blangkuhin ang Brunei, 5-0, sa unang laro.

Naging sandigan ng PH squad si  Jamyca Aribado, na namayani laban sa kanyang women’s singles opponents sa best-of-5 tie sa kabila na naglaro na may  sprained ankle na natamo sa ensayo noong nakaraang linggo bago ang torneo.

Lugmok sa 0-2 kay Anantana Praserta­nakul  sa PH-Thailand tie, tinanggal ni Aribado ang tape sa kanyang ankle na naglimita sa kanyang galaw upang maitakas ang 6-11, 7-11, 11-8, 11-5, 11-9 comeback win makalipas ang 36 minutong paglalaro.

Binigyan ng eight-hour break, si Aribado, kasalukuyang ranked No. 88 sa  Professional Squash Association world ratings, ay muling sumalang upang igupo si Indonesia’s Catur Yliana, 11-4, 11-6, 12-10.

“Jemyca played bravely despite the injury so we salute her. She knew that the team needed and she delivered,” wika ni PSA president Robert Bachmann. “We keep on praying that her injury continues to heal fast so she can play for the succeeding matches.”

Ang magwawagi sa semifinals ay mag-aagawan sa  mixed team event crown sa huling araw ng six-nation competition ngayong araw.

Ang hosts ay nanalo na ng gold medal mula kay Reymark Begornia sa men’s singles at bronze na kaloob ni Yvonne Alyssa Dalida sa women’s singles.