PH NAGHAHANAP NG BAGONG SUPPLIER NG INVESTIGATIONAL DRUG VS COVID-19

KINUMPIRMA ng Department of Health (DOH) na naghahanap ngayon ang pamahalaan ng ibang source o mapagkukunan ng investigational drugs na magagamit na panlunas sa mga pasyente ng COVID-19.

Ito’y dahil ang India, na pinakamalaking supplier ng gamot sa bansa, ay kasalukuyang dumaranas ng surge ng COVID-19 cases.

Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang National Task Force Against COVID-19 na mismo ang nangunguna sa paghahanap ng iba pang suppliers ng tocilizumab at remdesivir.

“So ngayon, nakikipag-usap tayo sa major supplier sa Switzerland ng tocilizumab,” ani Vergeire, sa panayam sa radyo.

“[As for remdesivir], we have spoken to all of the suppliers here in the country at nakikipag-usap din po tayo dahil nga po naputol ‘yung major supplier natin for this drug,” aniya pa.

Ani Vergeire, ang India ang isa sa pangunahing sources ng mga gamot sa bansa, partikular na ang mga investigational drugs.

Ngayon aniyang nagkakaproblema ang India dahil sa bagong surge ng COVID-19 ay kailangang maghanap ng Filipinas ng bagong mapagkukunan ng mga gamot.

Una nang sinabi ni Vergeire na inaasahan na rin nilang maaantala ang delivery ng mga bakuna laban sa COVID-19 mula sa India.

Nabatid na may walong milyong doses ng Covaxin na gawa ng Bharat Biotech ang inaasahan sanang darating sa bansa sa katapusan ng Mayo, habang 30 milyong doses naman ng Novavax jab ang inaasahang maidedeliber bago matapos ang taon.

Nagpatupad na rin ang Filipinas ng 2-week temporary ban sa mga biyahero mula sa India o may history ng travel doon, kabilang na ang mga Pinoy, upang maiwasan ang posibleng pagpasok sa bansa ng Indian variant ng COVID-19 na tinaguriang “double mutant” coronavirus. Ana Rosario Hernandez

6 thoughts on “PH NAGHAHANAP NG BAGONG SUPPLIER NG INVESTIGATIONAL DRUG VS COVID-19”

Comments are closed.