NAGPAABOT ng pasasalamat si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. kay Indonesian President Prabowo Subianto gayundin sa pamahalaan ng Indonesia sa pagpayag na makauwi na ng Pilipinas ang Pinay drug mule convict na si Mary Jane Veloso, matapos ang mahigit sa isang dekadang apela sa dayuhang bansa.
Ang hakbang ng Indonesia, ayon sa Pangulo ay sumasalamin sa lalim ng ugnayan ng dalawang bansa bilang magkaalyadong nasyon at nagkakaisa sa layunin para sa katarungan at malasakit.
Idinagdag din nito na ang kuwento ni Mary Jane ay tumatagos sa puso ng marami bilang isang ina na naipit sa kahirapan na gumawa ng isang desperadong desisyon na nagpabago sa takbo ng kanyang buhay.
At bagamat pinapanagot si Veloso sa ilalim ng batas ng Indonesia, sinabi ng Pangulo na nananatili siyang biktima ng sirkumstansiya.
Si Veloso ay nahatulan ng parusang kamatayan sa Indonesia.
Sinabi ng Pangulo na sinikap na i-delay ang execution kay Veloso at ngayon ay nagbunga na rin na tuluyang maisalba ang buhay nito.
Kamakailan ay inihayag ng Coordinating Ministry for Legal, Human Rights, Immigration, and Correction (Kemenko Kumham Imipas) ng Indonesia na ikinokonsidera ang “transfer of prisoner” o prisoner transfer sa dayuhang bilanggo, kasama si Veloso, na bahagi ng kanilang constructive diplomacy.
Bagaman wala pang nabubuong kasulatan, umaasa ang Department of Foreign Affairs (DFA) na makakauwi si Veloso ngayong Pasko.
Naaresto si Veloso sa paliparan ng Yogyakarta noong 2010 na may dalang 2.6 kilos ng heroin, at hinatulan ng parusang kamatayan.
Noong Oktubre 2010, hinatulan siya ng kamatayan ng Sleman District Court.
Sinabi ng ministry na noong 2014, humingi ng presidential pardon si Veloso ngunit ito ay tinanggihan. Pinilit din niya ang isang judicial review ngunit tinanggihan din ito.
Taong 2015, ipinagpaliban ang bitay kay Veloso sa huling minuto matapos maaresto sa Pilipinas ang isang babaeng hinihinalang nagre-recruit sa kanya para sa mga usaping may kinalaman sa droga.
PMET