PINATAOB ng Pilipinas, kinatawan ang Asia-Pacific Region, ang East Region ng USA, 3-0, upang masungkit ang 2023 Junior League Softball World Series title sa Kirkland, Washington Linggo ng umaga.
Ibinigay ng softbelles mula Bago City, Negros Occidental sa bansa ang ikalawang championship nito sa girls’ 12-14 age bracket, 20 taon magmula nang maiuwi ng koponan mula sa Bacolod City ang korona.
“After countless hours of hard work and dedication, we have finally reached the pinnacle of success. It is a long-awaited victory that will be forever cherished by the entire country,” pahayag ng Little League Philippines sa isang istatement.
Pumangatlo lamang noong nakaraang taon, winalis ng Negrenses ang unang anim na laro upang makakuha ng ticket sa finals kung saan nakaharap nila ang koponan mula sa Milford, Connecticut.
Umiskor sila ng run sa second inning at kumana ng dalawa pa sa sixth upang kunin ang titulo.
Patungo sa finals, ginapi nila ang District 9 Region (Washington) 19-0; Southeast Region (Florida) 4-1; Canada Region (Canada) 7-4; Central Region (Michigan) 10-0; West Region (Arizona) 4-0; at Southwest Region (Texas) 4-0.
Ang Philippine team ay kinabibilangan nina Erica Arnaiz, Thereze Francine Fuentes, Ann Dyana Buenafe, Icelle Tanaman, Ashley Ortiz, Froline Manalo, Christine Jane Caracas, Daniela Bejos, Audrie Sarsona, Marie Antoinette Sicapore, Nice Lobrido at Casandra Sumatra, pawang estudyante ng Ramon Torres National High School.
Ginabayan sila nina coaches Rolando Fuentes, Leo Dayot, Sarah Caracas, Francis Fuentes, team manager Josie Sebunga at player advocate Yolly Sanchez.