PH NAVY BIBILI NG 25-30 BARKONG PANDIGMA

Barkong pandigma

BUSAN, SOUTH KOREA –TAHASANG inihayag ng Philippine Navy (PN)  ang planong pagbili ng 25 hanggang 30 ng iba’t ibang barkong pandigma  sa loob ng lima hanggang sampung taon bilang bahagi ng pagpapalakas ng kanilang armada.

Ito ang sinabi ni PN flag-officer-in-command Vice Admiral Robert Empedrad nang kapanayamin ng PILIPINO Mirror kasunod ng keel-laying ceremonies para sa ikalawa modernong  missile frigate, ang BRP Antonio Luna (FF-151),  sa Dock 4 ng  Hyundai Heavy Industries (HHI) shipyard sa  Ulsan, South Korea may mga big ticket sila sa kanilang wishlist na idinulog sa Department of National Defense.

Ang BRP Antonio Luna ay sistership ng  BRP Jose Rizal (FF-150), ang bagong gawang  missile frigate ng PN na pormal ng inilunsad sa nasabi ring pasilidad.

“We have plans to acquire 25 to 30 in the next five to 10 years. (This) includes corvettes, OPVs (offshore patrol vessels), and even submarines,” ani Adm Empedrad.

Nilinaw ni Empedrad, ang mga nasabing  proyekto ay bukas sa lahat ng  shipbuilding firms na may naval construction capabilities sa buong mundo kabilang na ang Hyundai Heavy Industries na gumagawa ng dalawang bagong frigates ng Hukbong Dagat at nagsasaayos din ng ibinigay na BRP Conrado Yap isang “Pohang” class corvette na donasyon ng South Korea.

“I think there is a need to beef up the PN because we have vast maritime (territories that these countries) and we need to protect it,” pahayag pa ng  PN chief.

Ang BRP Jose Rizal na nakatakdang i-deliver sa taong  2020 at ang  BRP Antonio Luna na iuuwi sa Filipinas sa taong 2021 ay armado ng Oto Melara 76mm Super Rapid main gun,  Aselsan SMASH 30mm remote-controlled secondary cannon, anti-submarine torpedoes at  anti-air and ship missiles kasama ang  sensors at surveillance systems na may kakayahang matunton at ma-neutralize ang mga bantang manggaga­ling sa himpapawid, sa ilalim ng tubig o maging sa ibabaw ng karagatan.

Nabatid pa na ang  BRP Jose Rizal ay kina­bitan ng  Hanwha Systems’ Naval Shield combat management system (CMS) na pinagsanib sa lahat ng sensors and weapons ng barko na siyang bahala kung paano reresolbahin ang anumang paparating na banta.

May kakayahan itong matunton at matukoy ang may 4,000 targets at i-neutralize ang lima sa mga ito ng sabay-sabay kahit na nasa malayo pa.

Ginagamit na ang nasabing sistema ng Republic of Korea Navy, Royal Malaysian Navy at  Indonesian Navy.

BRP CONRADO YAP MAGLALAYAG PAUWI SA BANSA

MAGSISIMULA ng maglayag pauwi ng Filipinas ang bagong  BRP Conrado Yap  (PS-39), dating “Pohang” class corvette Chungju ng South Korean Navy at inaasahang magpapalakas pa sa kakayahan ng  Philippine Navy (PN) laban sa mga submarine bukod sa  anti-surface capabilities ng bagong barkong pandigma ng hukbo.

Ayon kay PN flag-officer-in-command Vice Admiral Robert Empedrad nang kapanayamin ng PILIPINO Mirror matapos ang launching ceremony para sa kauna-unahang missile frigate ng Filipinas ang  BRP Jose Rizal (FF-150) na ginanap sa  Hyundai Heavy Industries’ shipyard sa Ulsan, South Korea nitong Huwebes.

“The ship will be delivered to the Philippines by July (after refurbishment works in June),” paliwanag pa ni Empedrad.

Ang BRP Conrado Yap (PS-39) ay dating Republic of Korea Navy “Pohang”-class corvette Chungju (PCC-762), na nakomisyon ng ROKN noong  1987 at nagsilbi sa Korean Navy hanggang taong 2016.

“The ship will sail and arrive to the country in July 2019,” pahayag ni PN spokesperson Captain Jonathan Zata.

Ang panibagong barkong pandigma ay ipinangalan kay Conrado Yap  bilang pagkilala sa katapangan at kabayanihan ng Filipino military leader na nagsilbi sa  Korean War bilang bahagi ng Philippine Expeditionary Forces to Korea (PEFTOK).

Ipinahahayag ng Korean government ang napakalaking utang na loob nila sa mga sundalong lumaban para sa kanila upang hu-wag mahulog sa kamay ng mga komunista noong Korean war. Sa bawat okasyon ay hindi nakalilimot ang ROK na pasalatan ang Filipinas lalo na ang kasundaluhan na handang lumaban kahit para sa ibang bayan.

Si Yap ay isang batang opisyal ng Philippine Army at tinuturing na  most decorated Filipino soldier noong panahon ng  Korean War.

Pinagkalooban ito ng Philippine Medal of Valor, pinakamataas na parangal na iginagawad sa isang sundalo bukod pa sa natanggap nitong US Distinguished Service Cross, dahil sa ipinakita nitong katapangan bilang bahagi ng Tank Company, 10th Battalion Combat Team (10th BCT), Philippine Army.

“Its sailing crew departed last April 2019 and now undergoing necessary operational and warfare trainings for 13 weeks being facilitated by Reserve Ship Maintenance Squadron (RSMS) in Jinhae, Gyeongsangnamdo, South Korea. Ship’s crew were divided into five groups based on skills and specialization,” paliwanag ni Capt. Zata.

“This ship will greatly enhance our fleet’s Anti-Air Warfare (AAW), Anti-Surface Warfare (ASUW), Anti-Submarine Warfare (ASW) capabilities,” dagdag pa nito. VERLIN RUIZ