NAKATAKDA nang sumailalim sa pagsasanay sa South Korea ang mga ipinadalang tauhan ng Philippine Navy na itatalaga sa paparating na mga bagong biling frigates ng Hukbong Dagat.
Ayon kay Philippine Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Robert Empedrad, nakatakda nang mabuo sa Mayo ang una sa dalawang bagong biling frigates ng Philippine Navy mula sa Hyundai Heavy Industries sa South Korea.
Nabatid na bahagi ito ng P5.7 Billion Frigates Acquisition Project ng Philippine Navy sa ilalim ng kanilang Horizon 1 and modernization program.
Inihayag pa ni Empedrad na bunsod ng mga nasabing proyekto ay magtutungo sila ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa South Korea sa Mayo para sa launching ceremony ng frigate na pinangalanang “BRP Jose Rizal.”
Sinabi ni Empedrad, ito ang unang pagkakataon na palulutangin ang barko matapos na mabuo sa dry-dock ng Hyundai.
Susundan ito ng keel-laying ceremony o ang pagsisimula ng konstruksiyon ng pangalawang barko na papangalanan namang “BRP Antonio Luna” at posibleng i-deliver bago mag-Pasko.
Ayon kay Empedrad, anim na buwan ang pagitan sa delivery ng bawat barko mula South Korea na gagastusan ng mahigit P15 billion.
Una nang naging kontrobersiyal ang proyekto nang magkaroon ng pagtatalo sa Combat Management System na ilalagay sa mga naturang barko noong nakaraang taon kaugnay sa isang brand o kompanyang pinapaboran ng dating pinunuo ng Hukbo.
Bukod sa launching ng unang frigate, pupuntahan din nina Empedrad at Sec. Delfin Lorenzana ang ibinigay na Corvette ng South Korea na bahagi pa rin sa First Horizon ng Armed Forc-es of the Philippines modernization program.
Samantala, ide-deliver na rin sa darating na Mayo 14 ang dalawang bagong biling anti-submarine helicopters ng Philippine Navy- ang AgustaWestland AW-159 “Wildcat” na mayroong torpedo at missile.
Parating na rin sa Mayo ang apat na amphibious assault vehicles para sa Philippine Marines. VERLIN RUIZ
Comments are closed.