PH NETBALL TEAM KAKASA SA AIMAG

TARGET ng Philippine netball team ang modest finish sa susunod na major international campaign nito sa susunod na taon.

Sisikapin ng Siklab Pilipinas na maulit ang modest finish nito sa katatapos na Asian Netball Championships sa pagsabak 2023 Asian Indoor and Martial Arts Games (AIMAG) sa Thailand.

Nakopo ng mga Pinay ang plate title sa Asian meet makaraang walisin ang Maldives (59-41) at Brunei (40-37) sa Group F sa second round ng kumpetisyon na idinaos sa OCBC Arena sa Singapore. Nauna rito ay na-split nila ang kanilang laro kontra India (45-41) at Sri Lanka (99-37), para malagay sa the group plate.

Nakaulit sila kontra Brunei sa playoffs (42-38) upang tumapos sa fifth place overall, mas mataas sa ninth place finish sa 2018 edition ng torneo.

Tinalo ng Sri Lanka ang host Singapore para sa titulo, 63-53.

Mataas ang morale at kumpiyansa, umaasa ang mga miyembro ng Siklab team na magiging maganda ang kanilang performance sa AIMAG lalo na’t may isang taon itong paghahanda bago ang Nov. 17-26 meet.

“Ang gagawin naming preparation is to improve what we achieved in the Asian netball. I-improve pa rin namin yung laro namin,” sabi ni coach Piao Fedillaga sa online Philippine Sportswriters Association (PSA), isang araw makaraang dumating mula sa Singapore.

Sinang-ayunan ni team captain Ken Lomogda ang kanyang coach.

“Kakayanin namin. Ta-trabahuhin ulit namin,” dagdag pa niya sa session na itinataguyod ng San Miguel Corporation (SMC), MILO, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Amelie Hotel Manila, at ng Philippine Amusement Gaming Corporation (PAGCOR), kung saan sinamahan din si Lomogda ni dating Perlas Pilipinas player Vangie Soriano.

Makakaharap ng Siklab ang mga kaparehong koponan sa AIMAG kung saan ang top eight finishers sa Asian netball ay makakakuha ng puwesto sa quadrennial showpiece na orihinal na itinakda noong nakaraang Marso, ngunit ipinagpaliban sa susunod na taon dahil sa COVID-19 pandemic.

Bukod sa Pilipinas, Singapore, at Sri Lanka, ang iba pang kalahok na bansa ay ang Malaysia, Hong Kong, Brunei, Maldives, at India.