PH NIRATIPIKAHAN ANG WTO PACT SA FISHERIES SUBSIDIES

MULA sa kaliwa ay sina Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Fred Pascual, World Trade Organization (WTO) Director-General Ngozi Okonjo-Iweala, at Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr. DTI PHOTO

ANG PILIPINAS ay naging ika-70 miyembro ng World Trade Organization (WTO) na nag-apruba sa 2022 Fisheries Subsidies Agreement (FSA), ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).

Sa isang statement, sinabi ng DTI na iprinisinta ng bansa, sa pamamagitan nina Trade Secretary Alfredo Pascual at Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang Instrument of Ratification kay WTO Director-General Ngozi Okonjo-Iweala noong February 27 sa Abu Dhabi, United Arab Emirates kasabay ng 13th WTO Ministerial Conference (MC13).

Ang FSA ay pinagtibay sa 12th WTO Ministerial Conference (MC12) noong June 2022.

Ipatutupad ang kasunduan sa sandaling ratipikahan ito ng two-thirds ng 164 member-countries ng WTO.

“The agreement allows members to grant subsidies for disaster relief under certain conditions to support fisherfolks impacted by natural disasters,” ayon kay Pascual.

“This is vital to the Philippines, being a climate-vulnerable country, especially since small-scale and artisanal fisherfolks are heavily impacted by strong typhoons and the increasing sea temperatures exacerbated by climate change,” sabi pa ng Trade chief.

Sa ilalim ng FSA, ang Pilipinas ay maaaring makakuha ng technical assistance mula sa WTO Fisheries Funding Mechanism para sa pagpapatupad ng  disciplines and obligations ng kasunduan.

Ayon sa DTI, ang kasunduan ay isang mahalagang hakbang sa pagpigil sa mapanganib na subsidiya at sa pangangalaga sa nauubos nang mga isda.

Ipinagbabawal ng FSA ang mga subsidiya na nakatutulong sa illegal, unreported, and unregulated (IUU) fishing, mga subsidiya na may kinalaman sa overfished stocks, at mga subsidiya para sa pangingisda sa  unregulated high seas.