PH PADDLERS SUMAGWAN NG 2 GINTO

PH PADDLERS

MAINIT na sinimulan ng Filipinas ang kanilang kampanya sa pagsagwan ng dalawang gintong medalya sa prestihiyosong 2018 ICF World Dragon Boat Championships sa Lake Lanier Olympic Park sa Gainesville, Georgia.

Nadominahan ng national paddlers mula sa Philippine Canoe Kayak Dragonboat Federation ang 10-seater senior mixed 500-meter event kahapon makaraang gapiin ang mga paboritong Hungary at host United States ng malaking kalamangan.

Sa pangunguna nina drummer Patricia Bustamante at steerer Maribeth Caranto, ang mga Pinoy ay naorasan ng dalawang minuto at 7.5 segundo upang mahigitan ang kanilang  bronze-medal finish sa parehong event sa 2016 world championships sa Moscow, Russia.

Pumangalawa ang Hungarians, na nagtala ng 2:11.36 upang maungusan ang Americans (2:11.86)  para sa silver medal sa biennial meet na tinatampukan ng 16 pinakamahuhusay na bansa sa mundo ng dragonboat racing.

“They really wanted to prove something out there and they never lost focus despite the strong opposition,” wika ni PCKDF president Jonne Go.

Nakopo ng mga Pinoy ang ikalawang  gold medal pagkalipas lamang ng ilang oras makaraang pagharian ang 20-seater senior mixed 500m race la-ban ulit sa Hungary at sa Czech Republic.

Naorasan sila ng 1:52.58, mas mabilis sa kanilang naunang race-winning clocking ng tatlong segundo, dalawang taon na ang nakalilipas sa Moscow. Pumanga­lawa ang Hungarians sa 1:55.09, habang pu­mangatlo ang Czech Republic (1:55.14).

“We never doubted the team’s ability to win. Once again, they showed the world that we Filipinos are world-class in this sport,” sabi pa ni Go.

Isa itong matamis na tagumpay para sa Pinoy paddlers makaraang hindi sila makapag-uwi ng medalya sa katatapos na Asian Games sa Indonesia kung saan pumaling ang mga organizer mula sa international standards sa paggamit ng mas maliliit subalit mas mabibigat na bangka.

Kumpiyansa si head coach Len Escollante na masusungkit ng Filipinas ang ikatlong ginto sa Sabado sa pagsabak ng national paddlers, sa pangunguna nina Hermie Macaranas at Ojay Fuentes, sa 10-seater men’s 200 finals.

Makakasama nila sina  Mark Frias, Reymart Nevado, John Paul Selencio at Oliver Manaig.

Kinumpleto nina women paddlers Raquel Almencion, Rosalyn Esguerra, Rhea Rhoa at Christine Talledo ang line-up sa small boat mixed category kasama sina Bustamante at Caranto.

Comments are closed.