PH pangalawa sa pinakamasayang bansa sa Southeast Asia — report

ANG Pilipinas ang pangalawa sa pinakamasayang bansa sa Southeast Asian region.

Nasa ika-53 puwesto sa “2024 World Happiness Report,” na tumaas mula sa ika-76 puwesto noong 2023, ang Pilipinas ay naungusan lamang ng Singapore, na ranked 30th, sa top place para sa Southeast Asian region.

Ang annual global report ay in-edit ni Professor Jan-Emmanuel De Neve, isang eksperto ng economics at behavioral science sa University of Oxford. Ang resulta ng survey ay inilathala noong March 20, 2024 ng MailOnline, isang website ng Daily Mail, isang tabloid newspaper sa United Kingdom.

Ang ranking ng United Kingdom at United States ay bumaba sa happiness survey sa mahigit 140 bansa ngayong taon. Ang UK ay nasa ika-20 puwesto ngayong taon, bumaba ng isang puwesto mula sa ika-19 noong nakaraang taon, habang ang US ay ranked 23rd ngayong taon mula sa 15th spot noong 2023.

Sinabi ng mga Pinoy na “generally happy” sila nang ipa-rate ang kanilang mga buhay sa scale na mula 1 hanggang 10. Ang average score ng bawat bansa ay kinalkuka base sa ratings sa nakalipas na tatlong taon.

Ang report ay base sa self-reported data mula sa mga taong sinerbey sa bawat bansa.

Ang pag-angat ng mga Pinoy sa happiness survey ay kasabay ng pagtaas sa satisfaction, trust, at approval ratings ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. sa dalawang independent national surveys.

Sa Social Weather Stations (SWS) survey na isinagawa mula December 8 hanggang 11, 2023 ay lumitaw na 65 percent ng adult Filipinos ang nasisiyahan sa performance ng Presidente.

Samantala, sa “Tugon ng Masa” survey ng OCTA Research Group na isinagawa noong December 10-14, 2023, ang mga respondent ay nagbigay sa Chief Executive ng iskor na 76 percent trust rating at 71 percent approval rating. Ang dalawang iskor na ito ay mas mataas sa 73 percent trust rating at 65 percent approval rating na nakuha ng Pangulo noong October 2023.

Nangako ang Pangulo na magtatrabaho pa nang husto upang bumuti ang buhay ng mga Pilipino.

Sa pagtitipon sa Southeast Asian regional country ratings, ang Vietnam ay ranked 54th; Thailand (58th); Malaysia (59th); Indonesia (80th); Laos (94th); Myanmar (118th); at Cambodia (119th).

Sa 2024 World Happiness Report, ang China ay ranked 60th, Japan, 51st, at South Korea, 52nd.

Ang top 10 countries ay Finland, Denmark, Iceland, Sweden, Israel, The Netherlands, Norway, Luxembourg, Switzerland, at Australia.

Ang Finland, na may 5.5 milyong populasyon, ang pinakamasayang bansa sa nakalipas na pitong taon, ayon sa report.

Ang bottom 10 countries ay ang Yemen, Zambia, Eswatini, Malawi, Botswana, Zimbabwe, Congo, Sierra Leone, Lebanon, at Afghanistan.