PH PARA ATHLETES TODO ENSAYO

Ensayo

HINDI lamang ang mga atletang sasabak sa 30th Southeast Asian Games ang puspusan ang pagsasanay kundi maging ang mga lalahok sa ASEAN Para Games na gaganapin sa bansa sa Enero 2020.

Isa na rito si two-time Paralympics at three-time Asian Para Games veteran Adeline Dumapong na hangad na manalo bilang regalo sa kanyang sa sarili sa kanyang kaarawan sa Disyembre 13 at para muling bigyan ng karangalan ang bansa

Sa panayam ng PILIPINO Mirror habang patungo sa gym sakay ng kanyang wheelchair para mag-ensayo, sinabi ni Dumapong na gagawin niya ang lahat para manalo.

“Iyan ang dalawang mahahalagang bagay kaya gusto kong manalo. Gagamitin ko ang malawak kong karanasan para muling manalo lalo na rito sa atin gagawin ang kumpetisyon,” wika ni Dumapong.

Naglaro si Dumapong sa Paralympics sa Sydney at Athens, sa tatlong Asian Para Games sa Guangzhou (China), Inchon (Korea) at Jakarta (Indonesia) at lumahok sa 2018 World Powerlifting sa Beijing at Asia Oceania Powerlifting sa Fukuoka, Japan.

“Regular ang aking ensayo para nasa tamang kondis­yon physically and mentally sa oras ng laban,” ani Dumapong, bronze medalist sa Sydney Paralympics.

Bilang pinakamatagumpay at beterano, si Dumapong ay magsisilbing ‘heart and soul’ ng host country, kasama sina 2016 table tennis bronze medalist Josephine Medina, Eustaquio Arthus Bucay at London World Para Games Swimming veteran Ernie Gawilan at Gary Bejino.

Kumpiyansa si Physically Differently Able president Michael Barredo na mananalo ulit si Dumapong dahil may bentahe siya sa mga kalaban kung karanasan ang pag-uusapan.

“Adeline is strong, well-experienced and most veteran compared to other participants. Her skills and rich experience is a big factor,” sabi ni Barredo. CLYDE MARIANO

Comments are closed.