SURAKARTA — Mainit ang naging simula ng Filipino para-athletes sa unang abalang araw ng aksiyon sa 11th ASEAN Para Games na may 5 golds — 3 sa swimming at 2 sa athletics — kahapon sa Manahan Stadium dito at sa Jatadiri Sports Complex pool sa Semarang.
Ipinagkaloob ng swimming ang unang pares ng gold medals ng bansa nang dominahin nina Ernie Gawilan at Roland Sabido ang kani-kanilang events sa Jatadiri Sports Complex pool sa neighboring city ng Semarang.
Nakopo ni thrower Cendy Asusano ang ikatlong ginto ng bansa sa early morning action nang magreyna sa women’s javelin throw F54 sa Manahan Stadium.
“Masaya po ako kasi hindi ko akalain na makukuha ko ‘yung ginto sa unang bato pa lang,” sabi ni Asusano, umaasang maduduplika ang golden treble na kanyang natamo sa 2017 Games kung saan nakatakda ang discus at shot put sa mga susunod na araw.
Isang triple gold medalist sa 2018 Jakarta Asian Para Games, sinimulan ni Gawilan ang kampanya ng Pilipinas sa pagdomina sa men’s 400-meter freestyle S7 sa oras na 4 minutes at 54.87 seconds sa meet na suportado ng Philippine Sports Commission (PSC).
Kasunod nito ay naitala nina Sabido at Arnel Aba ang 1-2 finish sa men’s 400-meter freestyle S9 sa oras na 5:09.40 at 5:14.13, ayon sa pagkakasunod, na ikinagalak ng maliit na Pinoy crowd sa pool, sa pangunguna niPhilippine Paralympic Committee president Mike Barredo.
“Naging maganda po ang swim ko sa unang event. Sana magtuloy-tuloy po ito,” sabi ni Gawilan, 31, na nagwagi ng pares ng golds at silvers sa regional meet para sa para athletes na idinaos sa Malaysian capital ng Kuala Lumpur, limang taon na ang nakalilipas.
“Medyo nakakaalis ng nerbiyos dahil nanalo na. Hopefully, madagdagan pa po,” dagdag ni Gawilan, na hindi nakalaro sa 2017 Malaysian edition dahil nakasama ang kanyang class sa meet makaraang magwagi ng 2 golds at 1 silver sa 2015 Singapore ASEAN Para Games.
Sa hapon ay kinubra ni Angel Otom ang ikatlong gold ng swimming sa hindi malilimutang ASEAN Para Games debut nang dominahin ang women’s 50-meter backstroke event sa bilis na 41.68 seconds.
Nabawi ni team captain Jerrold Mangliwan ang men’s wheelchair 100-meter T52 title sa oras na 19.18 seconds.
Isang Tokyo Paralympic Games veteran, pinangunahan ni Mangliwan ang katulad na 1-2 PH finish sa event makaraang hamunin ni newcomer Rodrigo Podiotan Jr., na pumangalawa at nagkasya sa silver medal.
Nakopo ni two-time Asian Para Games silver medalist Achelle Guion ang silver sa women’s 45-kilogram division ng powerlifting sa binuhat na 70 kilos sa likod ni hometown bet Ni Nenga Widiasih, na hinablot ang gold sa lift na 97 kilograms.
Nagwagi naman ng bronze medal si Edwin Villanueva sa men’s 400-meter freestyle S8, gayundin sina Joel Balatucan, Daniel Enderes Jr., Armand Dino at Jesebel Tordecilla sa men’s shot put F55, men’s 5,00-meter T20 race, men’s 100-meter T47 race, at women’s discus throw F55, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Nag-ambag din ang table tennis ng dalawang bronze medals sa men’s team Class 4 sa pamamagitan nina Billy Cartera, Racleo Martinez at Darwin Salvacion at men’s class 8 doubles na kaloob nina Jobert Lumanta at Jayson Ocampo.
Kasama ang silver sa men’s 3×3 wheelchair basketball noong Linggo, ang mga Pinoy ay nangunguna sa overall medal tally na may 5 fgold, 4 silver, at 9 bronze medals.
Target ng bansa na mahigitan ang nakolektang kabuuang 20 gold, 20 silver, at 29 bronze medals, sapat para sa fifth overall, sa Kuala Lumpur noong 2017.