IKINATUWA ni Department of Energy (DOE) Assistant Secretary Mylene Capongcol ang BloombergNEF Climate 2023 report, na naglagay sa Pilipinas sa top 5 ng “most attractive emerging markets” para sa investments sa power sector.
Umakyat ang Pilipinas ng anim na puwesto sa number 4 kasunod ng India, China at Chile matapos ang malaking progreso ng bansa sa paglipat sa renewable energy (RE) sa nakalipas na dalawang taon.
Sa report na inilabas noong Nob. 29, ang Pilipinas ay lumabas na isa sa ilan na nagpatupad na ng auctions, feed-in-tariffs, net metering schemes, tax incentives at may malakas na target para sa renewable energy.
Binigyang-diin pa nito ang ikalawang green energy auction ng DOE kung saan iginawad nito ang 3.4 gigawatts (GW) ng renewable energy capacity kung saan 1.2 GW ang inilaan para sa ground-mounted, rooftop solar at onshore para sa 2024 hanggang 2025 at 2.2 GW para sa 2026.
Binanggit din sa report ang pagpapalabas ng bansa ng isang offshore wind roadmap at ang pag-aalis ng foreign ownership restrictions na humikayat ng paglago sa offshore wind investments.
Tinukoy rin ang clean energy investment ng bansa na lumago ng 41 percent mula 2021 hanggang 2022, na umabot sa USD1.34 billion.
Ayon kay Capongcol, naging posible ang mga ito sa pamamagitan ng iba’t ibang synergies at whole-of-government approach sa pagpapatupad ng energy policies at programs na itinutulak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Hanggang noong 2022, ang renewable energy ng bansa ay binubuo ng 29 percent ng installed capacity at 22 percent ng gross power generation.
Target ng DOE ang RE share na 35 percent sa power generation mix sa 2030 at 50 percent sa 2040.