PH PINAG-AARALANG BUMILI NG MODERNA COVID-19 VACCINE BOOSTER SHOT

moderna

Pinag-aaralan na rin ng pamahalaan na bumili ng COVID-19 vaccine booster shots na dinevelop ng Moderna.

Sa joint hearing ng House Committees on Health at Trade and Industry, sinabi ni Vaccine Czar Carlito Galvez na pinag-aaralan na ng gobyerno na bumili ng booster shots na makatutulong sa epekto sa katawan ng COVID-19 vaccine.

Aniya, sa halip na bumili ulit ng dagdag na 5 million doses ng COVID-19 vaccine ng Moderna mula sa naunang 20 million doses na binili ay bibili na lamang ang pamahalaan ng booster shots.

Ang nasabing booster shot ng Moderna ay maaaring gamitin sa ibang brand ng COVID-19 vaccine.

Dagdag pa ni Galvez, inaasahang darating sa bansa ang bakuna ng Moderna sa Setyembre o Oktubre.

Paliwanag pa ng vaccine czar, kakailanganin pa ng patuloy na pagpapabakuna sa pamamagitan ng annual boosters sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon para tuluyang ma-eliminate o maalis ang sakit.

Ngayong araw ay inaasahan naman ang pagdating sa bansa ng dagdag na 500,000 doses ng Sinovac at paunang 15,000 na doses naman ng Sputnik V ang darating bukas sa bansa.

Ayon kay Galvez, ang paunang batch ng Russian COVID-19 vaccine ay bahagi ng roll out trial.

Pagsapit naman ng Abril 29 ay may darating pa ulit na suplay ng Sputnik V na nasa 480,000 doses.

Inaasahan naman na sa katapusan ng Abril ay darating na rin sa bansa ang 195,000 doses na COVID-19 vaccines ng Pfizer. CONDE BATAC

 

2 thoughts on “PH PINAG-AARALANG BUMILI NG MODERNA COVID-19 VACCINE BOOSTER SHOT”

Comments are closed.