PH POGO-FREE NA SA 2025

WALA nang Philippine offshore gaming operations (POGOs) sa Pilipinas pagsapit ng 2025 sa bisa ng total ban na ipinag-utos ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr., subalit naghahanda ang pamahalaan sa posibleng paglaganap ng “guerrilla operations.”

“All licenses are cancelled, so POGO-free tayo. Guerrilla ope­rations will flourish but we will go after them,” wika ni Interior Secretary Jonvic Remulla sa Palace press briefing kahapon.

Noong Hulyo ay tinugunan ni Pangulong Marcos ang mga panawagan na ipagbawal ang POGOs, na iniuugnay sa iba’t ibang krimen, tulad ng human trafficking, prostitution, at murder, at ipinag-utos ang agad na pagpapahin­to sa operasyon, na ang complete phase-out ay nakatakda sa Disyembre 31.

Ayon kay Philippine Amusement and Ga­ming Corp. (PAGCOR) chairperson Alejandro Tengco, pitong licensed POGOs na lamang ang natitira mula sa 60 noong mid-2024, nang ianunsiyo ng Pangulo ang ban.

Kumikilos na ang nalalabing POGOs upang makatugon sa deadline.

“Wala naman pong pasaway sa ating mga licensees. Sila po ay cooperating both with PAGCOR and the Bureau of Immigration (BI) and also DOLE (Department of Labor and Employment),” sabi ni Tengco.

Samantala, nagbabala si Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOOC) Executive Director Gilbert Cruz na maaaring magtangka ang ilang dating
POGO workers na magtayo ng underground operations.

“Those who will dare to operate ng (on) January, huhulihin na ‘yan,” ani Cruz.

Ang Pangulo ay nakipagpulong kina Remulla, Tengco, at Cruz sa Malacañang kahapon ng umaga para sa pagsasara ng POGOs.

Inatasan sila ni PBBM na tiyakin na hindi na makakapag-operate ang illegal POGOs sa bansa.

“Sa aming estima, madali silang mahanap, madali silang pigilin. [According] to the President’s instruction, we will make it very difficult for them until they say ‘it is not worth operating in the Philippines’,” sabi ni Remulla.
ULAT MULA SA PNA