PH POOL PLAYERS NAGPASIKLAB SA SINGAPORE

Billiards

IPINAKITA nina Alvin Barbero at Jeffrey Roda ang kanilang kahandaan sa nalalapit na 30th Southeast Asian Games nang madominahan ang snooker doubles sa Singapore Invitational Billiards and Snooker tournament.

Sa kanilang perfect partnership, pinataob nina Barbero, tubong Baguio, at Roda, ipina­nganak sa Surigao, ang kanilang mga katunggali mula sa iba’t ibang bansa na inanyayahan ng Singapore Billiards and Snooker Associations.

Bagama’t hindi sikat ang snooker sa ­Filipinas at kaunti lamang ang naglalaro sa sport na popular sa mga bansang kasapi sa Commonwealth of Nations sa ilalim ng Great Britain tulad ng Singapore, nanaig pa rin sina Barbero at Roda.

“We went to Singapore with a mission to win and we did it,” sabi ni Barbero matapos na magtagumpay sila ni Roda sa torneo kung saan sinuportahan sila ng Philippine Sports Commission (PSC) na pinamumunuan ni Chairman at SEA Games Chief of Mission William ‘Butch’ Ramirez.

Sina Barbero at Roda ay kasama sa 15 pool players na sasabak sa SEA Games na gaganapin sa bansa sa ­Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.

“We’re fielding the same athletes except for one who made it to the team after passing series of eliminations,” sabi ni pool coach Rodolfo ‘Boy’ Luat.

“Masusi naming sinala ang kakayahan at credentials ng mga athlete matapos ang rigid eliminations na nilahukan mahigit 30 players dahil gusto naming manalo maraming ginto, pilak at tanso,” wika ni Luat.

“Isang dahilan kung kaya gusto naming manalo ay sa atin gagawin ang SEA Games at manonood ang ating mga kababa­yan. Kailangang bigyan natin sila kasiyahan,” aniya.

Bukod kina Barbero at Roda ay sasabak din sa biennial meet sina reigning World champion Carlo Biado, Dennis Orcollo, Efren ‘Bata’ Reyes, Warren Kiamco, Johann Chua, Jeffrey Ignacio, Michael Angelo Mengorio, Benjamin Guevarra Jr. Luis Saberdo, at ­Filipino-Kuwait Basil Al-Shajjar.

Gaganap si Reyes bilang playing-coach sa snooker, kasama sina Barbero, Roda, Mengorio, Guevarra, Saberdo at si Al-Shajjar.

“Magaling si Bata (Reyes) sa snooker kaya ginawa namin playing-coach,” ani Luat.

Pangungunahan naman nina Rubilen Amit, Chezka Centeno, Irisd Ranola at Floriza Andal ang kampanya sa women’s division.

Sina Centeno at ­Kiamco ay nanalo ng ginto, habang nagkasya si  Amit sa pilak sa all-Filipino 9-ball finals sa 2017 edition ng Games sa Malaysia. CLYDE MARIANO

Comments are closed.