PH RIDERS BIYAHENG KOREA

Ph riders

BILANG paghahanda sa 30th Southeast Asian Games ay pupunta sina Jan Paul Morales at Ronnel Hualda sa Korea para magsanay ng 20 araw.

Sina Morales at Hualda ay aalis sa Hulyo 27 kasama si coach Reinhardt Gorantes matapos ang National Open Cycling Road race na  gagawin sa Tagaytay kung saan pipiliin ang mga siklista na isasabak sa SEA Games.

Ang training ay nakatakda sa Hulyo 29 hanggang Agosto 17. Habang nag-eensayo, ang dalawa ay lalahok sa mga cycling race na inorganisa ng Korea Cycling Federation para mahasa at lumawak ang kanilang karanasan.

“Gusto sana namin ay buong team ang ipadadala sa Korea. Subalit dalawa lamang ang inanyayahan ng Korea Cycling Fe­deration,” sabi ni coach Edz Hualda sa panayam sa kanya sa Philippine Sports Commission.

“Very timely ang training dahil kasalukuyang nag­hahanda ang ating mga cyclist sa SEA Games,” wika ni Hualda na tumatayo ring project director ng Go for Gold.

Ang pagsasanay nina Morales at Hualda ay sinuportahan ng Philippine Sports Commission (PSC) na pinamumunuan ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez at ni Philippine Cycling Federation president Cavite Congressman at POC Chairman Abraham ‘Bambol’ Tolentino.

Ang cycling ay consistent medal producer sa SEA Games at kumpiyansa si Hualda na muling maghahari ang mga Pinoy sa nalalapit na biennial meet.CLYDE MARIANO

Comments are closed.