PH ROWER ABANTE SA MEDAL RACE

HANGZHOU, China — Pumangalawa si rower Joanie Delgaco sa semifinal heat nitong Biyernes upang umusad sa finals ng women’s single sculls sa 19th Asian Games sa Fuyang Water Sports Center. 

Kinuha ng 2019 Southeast Asian Games gold medalist ang trangko bago siya naunahan ni Shiho Yonekawa ng Japan sa kalagitnaan ng 2,000-meter race upang pagharian ang karera sa bilis na 8 minutes at 6.32 seconds.

Napanatili ni Delgaco ang kanyang bilis at dumating sa 8:18.30, upang samahan si Yonekawa sa medal race kasama si third-placer Wing Wun Leung ng Hong Kong (8:20.35).

Nabigo si Tokyo Olympian Cris Nievarez na umabante sa finals makaraang pumang-apat sa kanyang semifinal heat sa men’s single sculls.

Naorasan si Nievarez ng 7:25.65, tatlong segundo lamang sa likod ni Balraj Panwar ng India (7:22.22) sa semis race kung saan ang top three finishers lamang mula sa bawat heat ang umabante sa finals.

Nanguna si China’s Liang Zhang sa karera sa 7:12.77 habang pumangalawa si Kazakhstan’s Vladislav Yakovlev (7:19.27).

Bukod kina Yonekawa at Wing, makakasama ni Delgaco sina Uzbekistan’s Anna Prakaten, China’s Liu Ruiqi at Taipei’s Huang Yi Ting sa medal race sa Lunes.

Si Prakaten ang pinakamabilis sa isa pang women’s semis heat sa 7:47.88 kasunod sina Liu (7:55.69) at Huang (8:14.36).