UMUSAD ang Pilipinas sa semifinals ng 2022 Predator World Teams 10-Ball Championship kasunod ng 3-1 panalo kontra Poland nitong Sabado sa Klagenfurt, Austria.
Sina Rubilen Amit at Johann Chua ang responsable sa panalo ng Pilipinas na makakaharap ang Germany sa Linggo kung kailan din idaraos ang championship.
Dinispatsa ni Amit si Oliwia Zalewska, 4-1, at nakipagtambalan kay Chua para pataubin sina Zalewska at Tomasz Kaplan, 4-0.
Tinapos ni Chua ang laro sa 4-0 pagblangko kay Wojciech Szewczyk, at iginanti ang 4-2 pagkatalo kay Carlo Biado.
Ibinasura ng Germany ang Spain, 3-1, upang maisaayos ang semifinals duel sa Pilipinas. Ginapi ni Pia Filler si Amalia Matas, 4-2, namayani si Thorsten Hohmann kay Francisco Sanchez Ruiz, 4-2, at binokya ni Joshua Filler si Ruiz, 4-0.
Sa iba pang semifinals match ay magsasagupa ang Great Britain at Chinese Taipei.
Sa Women’s 10-Ball Championship, nasibak si Chezka Centeno sa quarterfinals makaraang yumuko kay Kelly Fisher ng Great Britain, 9-6.
Pinilit ni Centeno na kunin ang panalo at umabante sa money race ngunit nabigo ang 23-anyos na reigning Women’s Asian champion.
Sa pagkakasibak ni Centeno ay walanang Pinoy na lumalaban sa 10-Ball singles na may premyong 148,000 Euro.
Ang paglahok ng mga Pinoy sa torneo ay pinondohan ng Philippine Sports Commission at sinuportahan ng Philippine Olympic Committee at Snookers and Billiards Congress of the Philippine.
CLYDE MARIANO