PH SASABAK SA AVC CUP FOR WOMEN

MAGIGING host ang Pilipinas sa isa pang major international volleyball tournament—ang Asian Volleyball Confederation (AVC) Cup for Women— sa August 21-29 sa PhilSports Arena sa Pasig City.

Siyam sa top Asian teams— kasama ang Pilipinas bilang ika-10 koponan bilang host—ang lalahok sa ika-7 edisyon ng torneo na orihinal na nakatakda noong 2020 subalit kinansela dahil sa COVID-19 pandemic.

Ang Team Philippines ay kakatawanin ng mga top player mula sa University Athletic Association of the Philippines, ayon kay Philippine National Volleyball Federation President Ramon ‘Tats’ Suzara.

“This is a strong tournament and our young players, who we vision as the future of Philippine volleyball, will get the needed exposure against the continent’s best teams,” sabi ni Suzara, na ang PNVF ay matagumpay na naging host ng Men and Women leg ng Volleyball Nations League (VNL) nito lamang June sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.

Ang Pilipinas ay nasa Pool A kasama ang reigning champion China, South Korea, Iran at Vietnam. Ang Pool B ay kinabibilangan ng 2018 runner-up Japan, Thailand, Kazakhstan, Chinese Taipai at Australia.

“Just like the VNL, Filipino volleyball fans will again be treated to world-class volleyball action considering that world-ranked teams China, Japan, Iran, South Korea and Thailand are playing,” ani Suzara.

Nakatakda ang preliminaries sa August 21-25 kung saan makakaharap ng Pilipinas ang Vietnam sa August 21, China sa August 23, Iran sa August 24 at South Korea sa August 25.

Ang top five teams mula sa bawat pool ay uusad sa knockout quarterfinals na nakatakda sa August 27 habang semifinals ay gaganapin sa August 28 at ang qualification matches at finals sa August 29.

Nadominahan ng China ang lima sa anim na edisyon ng torneo — Nakhon Ratchasima 2008, Taicang 2010, Shenzhen 2014, Vinh Phuc 2016 at Nakhon Ratchasima 2018. Pinuto ng Thailand ang streak sa Almaty 2012.