PH SIBAK NA SA WORLD CUP QUALIFIERS

TINANGKA ni Patrick Reichelt ng Pilipinas na talunin si Do Duy Manh ng Vietnam sa kanilang FIFA World Cup Asian Qualifiers match noong Huwebes ng gabi. PFF PHOTO

BINIGO ng Vietnam ang Pilipinas sa 2026 FIFA World Cup qualifiers sa pagtala ng late goal para sa 3-2 panalo sa Mỹ Đình National Stadium sa Hanoi noong Huwebes ng gabi.

Umiskor si Pham Tuan Hai mula sa rebound limang minuto papasok sa stoppage time upang bigyan ang home side ng kalamangan matapos ang action-packed second half kung saan nabigo ang Pilipinas na pangalagaan ang one-goal advantage.

Sa pagkatalo, ang Pilipinas ay opisyal nang nasibak sa kontensiyon para sa FIFA World Cup 2026 dahil nakalikom lamang sila ng isang puntos sa limang laro sa Group F.

“I think the boys deserved a draw,” wika ni head coach Tom Saintfiet matapos ang laro. “We need to learn from this.”

Ang Vietnam, mayroon nang 6 points mula sa dalawang panalo at tatlong talo, ay nananatili sa kontensiyon para sa isang puwesto sa third round ng World Cup qualifiers.

Tatapusin ng Pilipinas ang kampanya nito sa Group F sa Martes ng gabi laban sa Indonesia sa Gelora Bung Karno Stadium sa Jakarta, habang makakaharap ng Vietnam ang  Iraq kung saan nakataya ang isang puwesto sa third round ng World Cup qualifiers.

Ang Pilipinas ay natalo sa kanilang huling anim na laro kontra Vietnam. Ang huling panalo ng mga Pinoy laban sa Golden Star Warriors ay sa AFF Suzuki Cup group stage sa Bangkok noong Nov. 27, 2012, isang 1-0 win mula sa goal ni Chieffy Caligdong.