PH SIGURADO NA SA 2 GINTO SA SEAG OBSTACLE RACING

PHNOM Penh, Cambodia – Selyado na ng Pilipinas ang dalawang gold medals sa individual 100-meter events ng 32nd Southeast Asian Games obstacle course racing (OCR) sa OCIC Wedding Center dito kahapon.

Nalusutan nina Jaymark Rodelas at Popoy Pascua ang kani-kanilang katunggali upang umabante sa men’s final, habang naisaayos nina Precious Cabuya at Kaizen Dela Cerna ang all-Pinay showdown sa women’s individual event.

Nagtala sina Rodelas at Pascual ng pinakamabilis na oras sa qualification na may 25.0921 at 26.1896, ayon sa pagkakasunod, upang maisaayos ang face-off para sa gold sa Sabado.

Nagposte sina Cabuya at Dela Cerna ng 33.1278 at 34.8634, ayon sa pagkakasunod, upang umusad sa finals sa women’s individual.

Ayon kay Pilipinas Obstacle Sports Federation president Al Agra, ang mga naisumiteng oras nina Rodelas at Cabuya ay potential world records na kukumpirmahin ng Guiness World Records.

Sina Pascua at Rodelas ay gold at bronze medalists sa parehong event noong 2019 SEA Games sa Manila.

Ang Pilipinas ay humakot ng 10 medalya — 6 golds, 3 silvers at 1 bronze — sa sport nang i-host ng bansa ang SEA Games.

Ang OCR ay nagbabalik sa SEA Games makaraang hindi isama ng hosts Vietnam ang event sa 2022 edition ng biennial meet.

CLYDE MARIANO