PH SOFT NETTERS SASABAK SA WORLD TOURNEY

Tennis

NAKATAKDANG sumabak ang Philippine Soft Tennis National Team sa 16th World Soft Tennis Championships sa Taizhou, Zhei-jang Province, China bilang huling bahagi ng kanilang paghahanda para sa 30th Southeast Asian Games.

Pinangungunahan nina Joseph Arcilla, Noel Damian Jr., Bien Zoleta-Mañalac at Princess Catindig, ang 11-member soft tennis team ay malaki ang kumpiyansa na makapaglalaro sa world tournament sa mataas na lebel dahil sa magandang performance ng mga atleta nito sa mga nakaraang edisyon.

Ang Filipinas ay nakapagtapos sa podium sa back-to-back world championships, noong 2011 sa pamamagitan ng bronze medal sa men’s singles ni  Arcilla, at noong 2015 sa third-place feat sa women’s singles ni Zoleta-Mañalac.

Nakopo ni Josephine Paguyo ang unang bronze ng bansa sa 1995 edition ng  world tourney.

Ang soft tennis team (6 men & 6 women) sa world championships na papalo sa November 1, ay may entries sa men’s & women’s singles, men’s & women’s doubles, mixed doubles, men’s & women’s team event.

Ayon kay Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez, ibinigay na ng ahensiya sa national sports associations (NSAs) ang lahat ng kanilang mga pangangailangan para lumakas ang kanilang tsansa sa SEA Games.

“A strong showing is all we’re hoping for. We have identified the medal potentials among them. But we also expect surprises from some others,” wika ni  Ramirez.

Ang soft tennis ay magbabalik sa SEA Games matapos ang eight-year absence at umaasa ang NSA nito ng magandang resulta sa pagkakataong ito.

Sa pangunguna nina Arcilla at Zoleta-Manalac, ang Filipinas ay umaasa na mahihigitan ang isang silver at limang bronze medals sa Palembang, Indonesia noong 2011 SEA Games, ang hu­ling pagkakataon na nakasama ang soft tennis sa biennial meet.

Ang ibang mi­yembro ng koponan ay sina Catindig, Bambi Zoleta, Erdilyn Peralta, Damian Jr., Mark Anthony Alcoseba, Mikoff Manduriao at Dheo Talatayod.

Comments are closed.