PH SPIKERS ABANTE SA AVC BEACH TOUR NUVALI OPEN

KINAPOS sina Rancel Varga at James Buytrago para sa ikalawang sunod na panalo subalit nakuha pa rin ang top spot sa kanilang grupo matapos ang preliminaries ng Smart Asian Volleyball Confederation (AVC) Beach Tour Nuvali Open nitong Biyernes.

Nabigo ang young Filipino duo na maipagpatuloy ang mainit na simula at nalasap ang 22-20, 26-28, 13-15 pagkatalo kina Japan’s Kosuke Fukishima at Hiroki Dylan Kurokawa sa world-class Nuvali Sand Courts ng Ayala Land sa City of Sta. Rosa.

Subalit ang puntos na nalikom mula sa three-set loss, idagdag ang straight-sets victory laban kina Indonesia’s Yogi Hermawan at Ketut Ardana, ay nagbigay kina Varga at Buytrago ng  No. 1 spot sa Pool H bago ang Round of 16.

Makakaharap nina 5-foot-10 Varga at 6-foot-1 Buytrago sina Indonesia’s Bintang Akbar at Sofyan Efendi, na na-split ang kanilang dalawang preliminary matches.

Ang Indonesian pair ay natalo noong Biyernes kina Australia’s Paul Burnett at Jack Pearse, 12-21, 16-21.

Ang iba pang Philippine pair nina AJ Pareja at Ran Abdilla ay umabante sa Pool D matapos ma-split ang kanilang preliminary matches, at naisaayos ang Round of 16 showdown kina Iran’s Abdolhamed Mirzaali at Abolhassan Khakizadeh, na nanguna sa Pool G.

Sinabi ni Varga na ang resulta ay nagbigay pa rin sa kanila ng kumpiyansa sa  Round of 16.

“There were lapses, but at the same time the confidence is there,” wika ng dating University of Santo Tomas spiker.

Sinang-ayunan naman ito ni ex-National University star Buytrago. “We take it one set at a time.”

Samantala, nalasap nina Philippines’ Alexa Polidario at Jen Gaviola ang ikalawang sunod na kabiguan makaraang yumuko kina  Japan’s Riko Tsujimura at Takemi Nishibori, 5-21, 4-21.

Sa iba pang laro, nalusutan nina Desi Ratnasari at  Nur Atika Sari ng Indonesia sina Kazakhstan’s Anastassiya Ukolova at Mariya Peressetskaya, 21-13, 17-21, 15-12, habang pinataob nina Patcharaporn Seehawong at Samitta Simarongnam sina Singapore’s Eliza Chong at Huiying Ang, 21-12, 21-10. Bumawi sina Macau’s Leong Onieng at Law Wengsam sa malamyang simula upang gapiin sina Hong Kong’s Tsang Ngokling at Wong Manching, 17-21, 22-20, 15-12.

CLYDE MARIANO