PH SUMIKWAT NG 3 GOLDS SA WORLD COMBAT GAMES

Taekwondo

TINAPOS ng Pilipinas ang kampanya nito sa World Combat Games na may 3 gold medals, ang huli ay nagmula kay taekwondo’s Darius Venerable sa men’s individual poomsae competition sa King Saud University Arena sa Riyadh, Saudi Arabia noong Linggo ng gabi.

Nakalikom si Venerable ng 9.280 points upang kunin ang panalo habang naisubi nina Korean Lee Namhum (9.200) at Singaporean Darren Yap Zong Han (9.100) ang silver at bronze medals, ayon sa pagkakasunod.

Nauna rito ay nagkasya si Rudzma Abubakar sa silver medal nang yumuko siya kay Thai Nirawan Tangchio, 18-20, sa women’s -54kg final.

“Maraming-maraming salamat po lahat ng sumuporta sa akin. Nagpapasalamat po ako sa Panginoon kasi siya po ‘yung may dahilan kung bakit po nandito po ako ngayon,” sabi ni Venerable.

Ang unang gold medal ng Pilipinas ay ipinagkaloob ni Cambodia Southeast Asian (SEA) Games ju-jitsu champion Kaila Jenna Napolis, na tinalo si Anael Pannetier ng France, 2-0, sa finals ng women’s -52kg Ne-Waza.

Nagmula naman ang ikalawang gold medal nito kina Rhichien Yosorez at Kylie Mallari, na umiskor ng 9.20 points upang gapiin sina compatriots Phillip Delarmino atv Ariel Lampacan (9.03 points) sa mixed Mai Muay.

Bukod sa 3 golds, ang bansa ay nagwagi rin ng 5 silvers at 5 bronzes.

Ang silver medal winners ay sina muay thai’s Delarmino at Lampacan (mixed Mai Muay) at Islay Erika Bomogao (women’s Wai Kru); at wushu’s Agatha Chrystenzen Wong (women’s Taolu Taijiquan at Taijijian) at Clemente Tabugara Jr. (men’s Sanda 65kg class).

Ang bronze medalists ay sina wushu’s Thornton Quieney Lou Sayan (men’s Taolu Nanquan at Nangun) at Jones Llabres Inso (men’s Taolu Taijiquan at Taijijian); wrestling’s Maria Aisa Ratcliff (women’s grappling GI 53kg class) at Fierre Afan (men’s grappling GI 71kg class); at taekwondo’s Juvenile Crisostomo at Justine Macario (mixed pair poomsae).

CLYDE MARIANO