NAGKAROON ng mas malawak na oportunidad ang Pilipinas upang mamuhunan sa mga proyektong makabuluhan para sa mga Pilipino sa pamamagitan ng bagong nilagdaang Memorandum of Understanding (MOU) sa Financial and Development Cooperation sa pagitan ng Pilipinas at Sweden.
Ayon kay Finance Secretary Ralph G. Recto, ang kasunduan ay magbibigay-daan upang mapalakas ang seguridad pang-ekonomiya ng bansa sa tulong ng Swedish financing para sa iba’t ibang inisyatiba.
“I am proud to take our collaboration to the next level. We entered another agreement that will enhance the economic security of Filipinos through increased access to Swedish financing for our development initiatives” ani Recto.
Ang kasunduan ay pinirmahan nina Secretary Recto at Minister for Infrastructure and Housing Andreas Carlson. Naroon din sa okasyon sina Swedish Ambassador Harald Fries at Marcus Wallenberg, Chair ng Board of Directors ng Skandinaviska Enskilda Banken (SEB).
Saklaw ng MOU ang pagbibigay ng grants, technical assistance, concessional official development assistance at/o blended financing mula sa Sweden para sa mga prayoridad na programa ng Pilipinas.
Kabilang sa mga sektor na pagtutuunan ng pansin ay ang sustainable infrastructure development, public transportation, renewable energy at water at waste management.
Ang mga proyektong nasa pipeline ay ang EDSA Busway Project, Iloilo Bus Rapid Transit, Subic-Clark-Manila-Batangas Railway Project, National Bus Standardization, Hydropower Potential Resource Assessment at ang Hybridizing Diesel Power Plants ng National Power Corporation.
RUBEN FUENTES