PH SWIMMER KAKASA SA CANADA

PH swimmers

MAKARAANG tanghaling ‘most successful swimmer’ sa kanyang division sa katatapos na Batang Pinoy Luzon leg, muling itataya ni Filipino-Iranian Micaela Jasmine Mojdeh ang kanyang international credential sa pagsabak sa Canada Swimming Championships sa susunod na buwan sa Mississauga, Ontario.

Bitbit ang limang panalo bilang morale boaster, makikipagsabayan si Mojdeh sa mga kalaban na ngayon lang niya makakabangga at sinabi ng 13-anyos na swimming mermaid na gagawin niya ang lahat para mabigyan ulit ng karangalan ang Pinas tulad ng ginawa niya sa torneo sa Singapore.

“Hindi ko masasabi at ayaw kong mangako. Gagawin ko ang lahat para  manalo at bigyan ng karangalan  ang bansa,” sabi ni Mojdeh sa panayam kasama ang kanyang Pinay na ina na si Joan at kapatid.

Si Mojdeh ay nagwagi sa 50m (butterfly), 100m (butterfly), 200m (freestyle), 100m (freestyle) at 50m (freestyle) sa Batang Pinoy Luzon leg at lalahok sa national finals sa July sa Bacolod o Ormoc.

Miyembro si Mojdeh ng Philippine Swimming League na pinangangasiwaan ni dating Senator Anna Dominque ‘Nikki’ Co-seteng, kasama si dating national swimmer Susan Papa.

Lalahok si Mojdeh sa 30th Southeast Asian Games na gaganapin sa bansa sa November 30-December 11.

CLYDE MARIANO

Comments are closed.