KUMPIYANSA si Philippine Table Tennis Federation (PTTF) president Ting Ledesma sa kahandaan ng Pinoy table netters sa pagsabak sa dalawang major international tournaments bunsod na rin ng impresibong kampanya ng Philippine Team sa nakalipas na torneo sa abroad.
Sasalang ang National Team, binubuo ng mga player na isinabak sa 31st Southeast Asian Games sa Cambodia nitong Mayo, sa prestihiyosong Asian Championship sa Setyembre 3-10 sa South Korea, habang nakatuon din ang paghahanda ng PTTF sa hosting ng World Junior Championship sa Oktubre sa Puerto Princesa, Palawan.
“We’re happy to say that table tennis is getting better and with the recent success of our national team for the past few months sa abroad, malaki ang impact nito lalo na sa mga kabataan na patuloy na lumalaban para mapalakas ang table tennis,” pahayag ni Ledesma patungkol sa programa ng PTTF sa kabila ng kakulangan sa pondo at limitadong tulong pinansiyal mula sa pamahalaan.
“Nauunawaan naman namin ang Philippine Sports Commission (PSC) dahil hindi lang naman kami ang sports na sinusuportahanan nila. But we’re proud to say that through the years hindi kami dependent talaga sa PSC, reimbursement kami, abonohan muna namin kung maibalik ‘yung ginastos namin, salamat kung hindi talo-talo na ‘yan,” pahayag niya sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ noong Huwebes sa Conference Room ng PSC sa Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Manila.
Binanggit din ni Ledesma sa programa na galing sa mga kaibigan, pribadong sektor at sariling pera ang gagamitin ng Philippine Team sa pagsabak sa Asian Championship.
“Wala naman kaming problema sa PSC, pero para mas maging mabilis ang proseso sa participation namin, naghahanap na lang ako ng makakatulong. After that, re-reinburse ko na lang ‘yung gastos kumpleto naman sa resibo, kung palarin maibalik laking pasasalamat kung hindi, okay na rin,” aniya.
Pangungunahan ni Kheith Rhynne Cruz, ang no.1 women player sa bansa, ang PH team sa Korea target na makasikwat ng medalya na magbibigay sa koponan ng panibagong sigla bago ang World Junior event sa Palawan.
Galing ang 16-anyos na si Cruz sa matagumpay na kampanya sa SEA Youth table tennis championship sa Brunei kung saan nagwagi siya ng dalawang ginto (singles at doubles event) at pinangunahan ang girls team sa silver medal finish sa team event.
Sa tulong ni Puerto Princes, Palawan Mayor Lucilo Bayron, ibinida ni Ledesma ang kahandaan para sa World Junior championship na inaasahang lalahukan ng mahigit 30 koponan.
–EDWIN ROLLON