MAY paglalagyan ba ang Philippine Table Tennis team sa 31st Southeast Asian Games sa Vietnam?
Sasagutin mismo ng apat sa Top 5 women’s team, sa pangunguna ni teen phenom Kheith Rhynne Cruz ang katanungan sa pagsalang ng ‘Girl Powers’ ng Philippine Table Tennis Federation (PTTF) sa Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) ‘Usapang Sports’ ngayong Huwebes, Pebrero 10, via Zoom.
Sa edad na 15, batak sa local at international competitions ang Palarong Pambansa at Batang Pinoy champion na si Cruz. Nakuha niya ang No.1 ranking sa PH Team matapos manguna sa isinagawang National Ranking Championship kamakailan sa Calma Table Tennis Center sa Pateros.
Makakasama ni Cruz, kilala rin sa kanyang Chinese name na ‘Ke Yingying’, sa lingguhang sports forum sa alas-10 ng umaga at itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusements Board (GAB) at Pagcor, sina No.2 Angel Joyce Laude, No.3 Emy Rose Dael at No.4 Jannah Romero, gayundin si PTTF president at dating national mentor Ting Ledesma.
Ayon kay Ledesma, nabigyan ang Philippine Team ng 10 slots (lima sa babae at lima sa lalaki) para sumabak sa table tennis event ng biennial meet na nakatakda sa Mayo 12-27 sa Hanoi.
Iginiit ni Ledesma na buo na rin ang men’s team na kasalukuyan ding nagsasanay sa ‘bubble’ sa Baguio City at inaasahang maliit na pagbabago na lamang ang kakailanganin sa pagtatapos ng national final elimination.
Inaanyayahan ni TOPS president Maribeth Repizo-Merana ang mga opisyal, miyembro at ang buong sports community na makiisa sa balitaktakan na mapapanood din live streaming sa TOPS official Facebook page at YouTube.