PUERTO PRINCESA – Humakot kaagad ng anim na gintong medalya ang Team Philippines-A sa unang araw ng swimming competition sa 2024 Brunei Darusalam-Indonesia-Malaysia-Philippines East Asean Growth Area (BIMP-EAGA) Friendship Games na ginanap sa Ramon V. Mitra Sports Complex.
Naungusan ni Philip Adrian Sahagun ang Indonesian na si Hidayatullah Ari sa huling metro ng men’s 200m individual medley (2:13.52) upang angkinin ang unang gintong medalya sa kumpetisyon. Tumapos ang Indon swimmer sa 2:13.83 habang nakuha ng teammate ni Sahagun na si Paolo Rodolfo Apilado III ang bronze medal (2:20.82).
“Hindi ko talaga inaasahan ito, basta ang target ko lamang ay matapos ko ang lahat ng limang events ko dito sa BIMP-Eaga,” sabi ng 22-anyos na tubong-Davao City na si Sahagun.
Katuwiran ng 3rd year BS Entrepreneur student ng De La Salle University-Taft ay nagpahinga siya ng halos dalawang linggo matapos ang 67th UAAP competition kaya humina ang kanyang kumpiyansia.
“Ang mindset ko is just to win this event. Pero ito ngayon nakakatulong ako sa Team Philippines-A,” dagdag ni Sahagun na hangad din na mapasama sa national pool.
Ang unang ginto ng Pilipinas ay nakapagbigay rin ng inspirasyon kay teammate Lora Micah Amoguis. Ang tubong-Davao City na 18-anyos sa si Amoguis ay humataw sa women’s 200m medley sa oras na 2;30.73.
Hindi na iniinda ni Amoguis ang kanyang shoulder injury at tuloy-tuloy siyang namayagpag para sa ikalawang ginto ng Team Philippines A.
“I have this injury dahil sa fatigue. Sunod-sunod kasi ang sinalihan kung kumpetisyon. Pero sa sabi naman ng coach na puwedi pa akong sumali basta relax lamang ako dahil kailngan ako ng team namin at hindi masyadong ma-stress.
Thanks to my physical therapist at teammates sa kanilang suporta sa akin. Pinalakas nila ang loob ko. Sabi nila kaya ko ito,” ayon kay Amoguis na first year BS Life Science student ng Ateneo de Manila University.
Sina Amoguis at Sahagun ay kapwa umani agad ng tig-dalawang ginto matapos pangunahan ang panalo sa men’s at women’s 4x100m freestyle relay. Naorasan si Sahagun kasama sina Dominic Requiza, John Michael Catamco at Polo Miguel ng 3:44.05 at sinundan ng panalo sa kanilang women’s team sa oras na 4:19.20.
Kabilang sina Juliana Villanueva, Margarette Amoguis, Rissa Angelian Amoguis sa winning team sa relay event.
Bukod sa team A, ang Philippine team E ay lumangoy rin ng apat na gintong medalya sa pangunguna ng tubong-Princesa City swimmer na si Jaye Magila Dignadice sa women’s 5-m butterfly (30.47-sec) at ni Edgar Allan Naraga sa men’s 50-m backstroke (29.25-sec). Ang ikatlong ginto ng Team E ay mula kay Quendy Fernandez na tubong- Puerto Princesa City din. Nadominahan ni June Pearl Degamo ang women’s 100-m freestyle sa oras na 1:04.59.
Ang iba pang nagwagi sa medal-rich aquatics ay sina Shawn Voon Xuan Qing ng Malaysia team B sa men’s 100-m freestyle (54.76-sec) at Hidayatullah Ari ng Indonesia sa men’s 200-m breastroke (2:25.89).
Sa athletics event na ginanap din sa Ramon Mitra Sports Complex, pinag-hatian ng host Philippines at Malaysia ang unang dalawang ginto ng kumpetisyon. Nagwagi ang Pilipinong si Bernard Ganancial sa men’s discus throw (33.95-m) habang ang Malaysian na si Daniella Jimil ay reyna sa women’s shot put (10.25-m).
Magpapatuloy ang kompetisyon sa ikalawang araw ng aksiyon ngayon sa archery, swimming at athletics sa Ramon V. Mitra Sports Complex habang sa SM City naman ang esports, karatedo sa NCCC Mall, pencak silat sa Robinson’s Place, sepak takraw sa Palawan State University at badminton sa Edward Hagedorn Coliseum.
CLYDE MARIANO